Pakikiramay
ANG mundong Katoliko ay nakikiramay sa mga mamamayang Pranses sa pagkasunog at pagkasira ng pamosong Katedral ng Notre Dame. Sa buong Europa, tanging ang Basilica ng Santo Papa sa Vatican ang mas higit ang katanyagan sa mga deboto at turista. Para sa France at lalo na sa City of Paris, ang Notre Dame (Our Lady) ang pinaka-puso ng kanilang lahi at simbolo hindi lamang ng kanilang relihiyon kung hindi rin mismo ng kanilang kultura at ng bansa. Kasunod ng Eiffel Tower, ang Notre Dame ang tinaguriang symbol of France.
Ang Notre Dame ang isa sa pinakamagandang simbahan sa buong daigdig. Ang sikat na mga stained glass rose windows nito ang pinagbasehan ng libu-libong magaganda’t makulay na mga bintana na nagpaganda rin sa mga sumunod na makasaysayang simbahan sa iba’t ibang parte ng mundo. Ang istilo nitong gothic architecture ay nagsilbing impluwensya sa katakut-takot na mga gusali, hindi lamang simbahan, sa mga sumunod na siglo.
At makasaysayan ang Simbahan, hindi lamang para sa France. Buong daigdig ang apektado ng paggamit ng simbahan hindi lamang sa relihiyon kung hindi pati na rin sa sining, kultura at maging sa digmaan. Sa France, dito kinokoronahan ang kanilang mga hari – kabilang na si Napoleon Bonaparte. Ito rin ang naging eksena ng katakut-takot na sikat na nobela, libro, pelikula at tula.
Ang Notre Dame ay isa ring malaking bulto ng mga antigong paintings at sculptures na nagmula pa sa 12th century. Higit sa lahat, dito mahahanap ang pinakaiingatang mga reliko ng Katolisismo. Una, ang koronang tinik ni Hesu Kristo; pati rin ang parte ng kanyang Krus at ang isa sa mga pakong ginamit sa kanyang paa.
Napakalaking pagkawala ang trahedyang sinapit ng Notre Dame. Ngayong Mahal na Araw, ang kapalaran nito ay bagay na ipagdarasal ng mga Katoliko. Mabigat mang dalhin, kakayanin din ito at tulad ng Muling Pagkabuhay sa Easter, sa huli alam natin na makakaraos ang lahat.
- Latest