Mga mambabatas masahol pa sa linta
PORK barrel ang rason kaya kinokontrol ng political dynasties ang mga distrito’t probinsiya. Daan-bilyong pisong pera ng bayan ang pork barrels. Pinaparte-parte ng mga mambabatas. Winawaldas sa mga proyektong pampalapad ng papel; “epal”, ika nga. Kinokomisyonan pa nang 40 hanggang 80% mula sa pinili nilang kontratista. Wala halos natitirang pondo para sa aktuwal na pinagagawang istruktura o serbisyo.
Mahigit P390 bilyon ang binisto ni Sen. Ping Lacson na isiningit na pork barrels sa 2019 national budget. Binubuo aniya ito ng:
• P2.4 bilyon sa distrito ni Speaker Gloria Arroyo at P1.9 bilyon kay House appropriations committee chairman Rolando Andaya;
• Hindi bababa sa tig-P2.4 bilyon sa isang daan pang kongresista, kabilang ang isang may P8 bilyon at isang may P5 bilyon;
• P60 milyon sa natitirang 195 pang kongresista;
• P160 pa sa kada 297 kongresista;
• P23 bilyon sa piling mga senador;
• P11 bilyong health facilities, tig-P25 milyon kada kapaksiyon nina Arroyo at Andaya; at
• P79 bilyong public works fund, inagaw ng mga kongresista mula sana sa “Build, Build, Build” infrastructure program ni President Duterte.
Ang P390-bilyong pork ay mahigit 10% ng P3.757-trilyong national budget. Sa bawat P10 gagastahin ng gobyerno ngayong 2019, P1 ang kukupitin ng mga Ipinagbawal ng Korte Suprema ang pork barrel nu’ng 2013. Ang pork noon ay kabuoang P22.65 bilyon: P200 milyon kada 24 senador, P70 milyon kada 255 kongresista. Ngayon, limang taon mula nang gawing ilegal, lumobo ang pork nang 17.5 beses.
Mabuti pa ang linta kapag nabusog sa pagsipsip ng dugo ay kusang bumibitaw. Ang mga mambabatas ay nananatili habambuhay. Inaalis na nila ang limitasyon sa termino at pagbawal sa dynasties nila.
- Latest