Tinanggalan ng mana, na-estafa pa
SA negosyo, sira ang kasabihang mas malapot sa tubig ang dugo. Walang anak, walang kamag-anak pagdating sa mga anomalyang puwedeng mangyari.
Malungkot ang sinapit ng anak na babae ng business tycoon na si George Ty na si Margaret Ty-Cham. Bago mamatay ang bilyonaryong ama, inalisan umano si Margaret ng mana noong 2017.
Nagpalathala pa sa diyaryo ng public notice ang ama na pumuputol sa ano mang ugnayan kay Margaret dahil sa mga kuwestyonableng transaksyon nito na nakaapekto sa negosyo.
Dobleng dagok ang nangyari. Nahaharap siya ngayon sa P12 milyong kasong estafa na inirekomendang isampa sa korte ng Office of the City Prosecutor ng Makati.
Ang mga complainants ay sina Carlito Pineda at Robert Vincent Jude Jaworski Jr. na na-swindle umano ni Margaret ng P12 milyon.
Sasabihin siguro ninyo na hindi makakagawa si Margaret ng ganito kung hindi siya nawalan ng mana. Ngunit hindi naman siya talagang gipit sa pinansyal. Maski papaano, may tinatanggap pa siya sa iniwang business empire ng yumaong ama na binubuo ng Metrobank, Federal Land, PS Bank, AXA Life at iba pang malalaking negosyo.
Itinakwil umano ng magulang si Margaret dahil sa sunud-sunod na kwestyonableng transaksyon na pinasok nito na doo’y paulit-ulit siyang sinalo ng kanyang ama. Pero wika nga, umabot ito sa sukdulan at napuno na ang matandang Ty. Patay na si Ty ngunit tila hindi pa rin matapos ang kalbaryo ng pamilya kay Margaret.
Mistulang telenobela sa TV ang kasaysayang ito ngunit nag-iiwan ng magandang aral.
- Latest