Limang milyon kilong basura
PUSPUSAN at seryoso ang isinasagawang paglilinis ng gobyerno sa Manila Bay sa pagtutulungan ng dalawang lead agencies gaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Local Governments (DILG).
Grabe ang sitwasyon ng karagatan. Mantakin niyong nasa limang milyong kilo na ng basura ang nahahango sa isinasagawang operasyon upang linisin ang Manila Bay?
Sa volume ng basurang nahango mula sa dagat, marami pa ang hindi nakukolekta, at kahit tuluy-tuloy ang gagawing cleaning operation sa karagatan, hindi malulutas ang proble-ma hangga’t naririyan ang mga salahulang nagpaparumi rito.
Hindi natin sisisihin ang mga informal settlers na nagtayo ng mga barung-barong sa mga dalampasigan o kahit na ang mga kompanyang walang habas na nagtatapon ng kanilang basura sa dagat bagamat may pananagutan sila.
Ang nangungunang culprit sa problema ay ang nakalipas na kapabayaan ng pamahalaan na gumawa ng programa upang maregulate ang pagpasok ng mga squatters sa mga lugar sa dalampasigan at ang pagtatayo ng mga pabrika sa naturang lugar.
Pera-pera ang dahilan bukod pa sa tinatawag na political reason. Pinababayaan ng mga lokal na pamahalaan ang mga squatters dahil ang presensya nila ay katumbas ng boto pagdating ng halalan. Pinabayaan din ang mga kompanya sa mga lugar malapit sa dalampasigan dahil sa “magkanong dahilan.” Sa maigsing paliwanag, corruption ang “nanay” ng problema ng ito na malalim na ang ugat.
Ngunit sabi nga ni DENR Usec. Benny Antiporda, natuldukan na ito at ngayo’y determinado ang pamahalaang Duterte na magpatupad ng reporma kahit sino ang masaktan. Iyan ang tinatawag na political will.
- Latest