EDITORYAL - Huwag maligo sa Manila Bay
MASYADONG mataas ang level ng coliform bacteria sa Manila Bay na kapag na-exposed sa tao ay magdudulot ng sakit. Ang fecal coliform ay bacteria na nagmula sa dumi ng tao at hayop. Galing ito sa mga poso negro ng establisimento na nakapaligid sa Manila Bay. Mula sa poso negro, dadaloy ito sa mga estero at sapa at saka hahantong sa Manila Bay. Noong nakaraang linggo, apat na establisimento na walang waste treatment plant ang ipinasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Una nang ipinasara ang Manila Zoo dahil lahat nang dumi ng mga hayop doon ay direktang bumabagsak sa isang estero at mula roon, tutungo sa Manila Bay.
Walang ibang hantungan ang dumi at mga basura kundi ang Manila Bay kaya naman napakarumi nito at delikadong pagliguan. Kamakalawa, nakita ang makapal na burak at mga basura sa ilalim ng dagat. Ang makapal na burak ang patunay na sobrang dami ng dumi na nailuwa sa makasaysa-yang dagat noon pa man. Mahabang panahon nang nasalaula ang Manila Bay at walang Presidente noon na nagpakita ng kamay na bakal para linisin ito. Tanging si Presidente Duterte ang nagpakita ng bangis para linisin ang Manila Bay gaya nang ginawa niya sa Boracay na sinalaula rin ng mga resort owners at walang disiplinang mamamayan.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatapon ng basura o kahit ano pa mang dumi sa Manila Bay. Huhulihin ang magtatapon at pagmumultahin. Bawal maligo sapagkat delikado sa kalusugan. Hindi pa malinis ang Manila Bay kaya nararapat na huwag hayaang makalusong sa dagat ang mamamayan.
Noong Martes, maraming tao ang naligo sa Manila Bay sa pag-aakalang malinis na ito. Wala silang kaalam-alam na basura lamang ang naalis sa paligid at hindi ang bacteria sa tubig. Puwedeng makainom ng tubig na may bacteria at humantong sa pagkakasakit. Posible ring magkaroon nang maluhang sakit sa balat ang pagbababad sa Manila Bay.
Tama ang ginagawa ng Manila Police District (MPD) na bantayan ang dalampasigan ng Manila Bay para walang makalusong at makapaligo. Nga-yong papalapit na ang summer, tiyak na marami na namang dadagsa rito para maligo. Dapat namang ipaliwanag pa ng DENR sa mga tao na matagal pa bago mapaliguan ang makasaysayang lawa dahil ubod pa ito ng dumi.
- Latest