Reaksiyon ng China
NAGSIMULA na ang pagsasaayos ng Pag-asa island sa Spratlys, partikular ang paliparan nito na matagal nang idinadaing ng mga pilotong lumalapag doon, at paggawa ng “beaching ramp” na magagamit ng mga barkong nagdadala ng kagamitan sa isla. At ano ang reaksiyon ng China?
Tila intimidasyon ang ginawa, sa paglibot nang maraming barko malapit sa Pag-asa. Mga barkong pangisda umano na hindi naman talaga nangingisda kundi naninindak lang ng mga barkong pangisda ng ibang bansa. Mga barkong pandigma at coast guard naman ay mas malayo sa Pag-asa, pero nandiyan.
Ito ang mga pahayag ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) na nagbabantay sa mga kaganapan sa South China Sea sa pamamagitan ng mga kuha ng kanilang satellite. May mga araw na napakarami ng mga barko sa paligid ng Pag-asa na hindi naman nangingisda. Intimidasyon at pananakot nga ang pakay ng mga barko. Pero ayon sa AMTI, hindi naman huminto ang trabaho sa Pag-asa, kahit may ganyang pagpapakita ng China ng kanilang lakas sa karagatan.
Dapat lang na ituloy ng gobyerno ang pagsasaayos ng Pag-asa island, para na rin sa mga kababayan nating nagtitiis na manirahan doon, para lang hindi maangkin ng ibang bansa. Malaking sakripisyo ang kanilang ginagawa, kung puwede naman silang manirahan sa Palawan. At ano ba naman sa China ang ayusin lang ang paliparan at lagyan na madadaungan ng mga barko, para mabigyan ng kaginhawahan ang mga nakatira sa Pag-asa?
Malaki ba ang mawawala sa kanila kung maging maayos ang Pag-asa, na wala namang mga imprastraktura tulad ng inilagay ng China sa tatlong malalaking nilikhang isla? Ayon sa AMTI, sosobra lang ng konti sa tatlong ektarya ang inangkin ng Pilipinas sa Spratlys, kumpara sa higit 48 ng Vietnam, at sa halos 1,300 ektarya ng China.
Kapag naayos na ang paliparan sa Pag-asa at naging madalas ang paglapag ng mga eroplano natin doon para maghatid ng pangangailangan ng mga residente, ano naman kaya ang magiging reaksiyon ng China? Mga eroplanong pandigma naman ang maninindak sa kanila? Ganyan ba ang itinuturing kaibigan ng Pilipinas?
- Latest