EDITORYAL- Itaas pa ang tax sa yosi
ITINAAS ang P20 excise tax sa sigarilyo noong 2012 at ngayong taon ay maraming health advocaters ang humihirit na muling itaas ang tax para mailigtas ang marami sa pagkakasakit na dulot ng paninigarilyo. Ang lung cancer na dulot ng paninigarilyo ganundin ang sakit sa puso at stroke ang mga pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa.
Ayon sa grupong Sin Tax Coalition, mula nang ma-implement ang Republic Act 10351 o Sin Tax Reform Law na nag-iimposed sa P20 excise tax sa sigarilyo, bumaba ang bilang ng mga nagkakasakit. Tinatayang 70,000 Pilipino ang nakaiwas sa pagkamatay dahil sa sigarilyo. Marami umano ang tumigil sa paninigarilyo mula nang taasan ang buwis.
Ayon kay Dr. Tony Leachon ng Sin Tax Coalition, apat na milyong smokers ang tumigil na sa bisyo mula 2012. Hindi na umano kaya ng smokers ang mataas na halaga ng sigarilyo. At ang pinakamabuting paraan na ginawa ng mga naninigarilyo ay itigil ito. At maganda ang resulta sapagkat marami ang naisalba ang buhay. Marami ang nakaiwas sa cancer sa baga at sakit sa puso.
Nang humarap sa Senado ang grupo ni Leachon noong Lunes, inihihirit nila ang bagong round ng ‘‘sin tax’’. Sinusuportahan umano nila ang panibagong pagtataas para lalo pang ma-discourage ang mga Pilipino na manigarilyo.
Iniulat naman ng Philippine General Hospital (PGH) na bumaba ang bilang ng kanilang mga pasyente na may cancer sa baga, sakit sa puso, na-stroke at iba pang respiratory diseases na may kaugnayan sa paninigarilyo.
Nararapat suportahan ang muling pagtataas ng tax sa yosi. Kung ito lamang ang tanging paraan para mailigtas ang marami sa pagkakasakit, patawan pa ng tax ang sigarilyo. Sa kasalukuyan, hindi lamang ang mismong smokers ang nagkakasakit kundi pati na rin ang mga nakakalanghap ng second hand smoke. Ituloy ang kampanya na taasan ang tax sa sigarilyo para makaiwas sa pagkakasakit ang mamamayan.
- Latest