Suicide bombers ba?
AKALA ko, may mga suspek na ang mga awtoridad sa madugong pagbomba sa Our Lady of Mt. Carmel sa Jolo, dahil nakunan sila ng CCTV. Pero kusang sumuko ang dalawang tinutukoy na suspek, para linisin ang kanilang pangalan. Mahirap nga naman kung wala silang kamalay-malay at arestuhin, o mas masama ay mapatay. Ipinaliwanag nila kung bakit sila naroon nang sumabog ang mga bomba. Sinundan din ito ng dalawa pang nakunan sa CCTV, at iginiit na wala silang kinalaman sa pagbomba ng simbahan. Nataon lang na nandoon sila. Mukhang kumbinsido naman ang PNP na wala nga silang kasalanan o kinalaman sa insidente. Kaya sa ngayon, wala silang suspek ulit.
Ang tinitingnan ay ang posibilidad na suicide bombers nga ang nagpasabog sa simbahan. Marami raw nakakalat na bahagi ng katawan sa pinangyarihan, kaya maaaring ito na ang suicide bomber. Hindi magkakalasug-lasog ang katawan kung hindi malapit sa pagsabog ng bomba. May hinala na baka mga dayuhang terorista pa nga. Pero wala pang makapagtestigo kung may nakita nga silang nagpasabog ng katawan. Ang mga lumalabas pa lang mula sa nakaligtas ay tila may iniwang bag sa loob ng simbahan. May naghihikayat na ipa-DNA testing ang mga bahagi ng katawan. Madaling sabihin, pero mahirap gawin dahil walang paghahambingan, at ipadadala pa ang sampol sa ibang bansa. Ang unang dapat gawin ay makilala kung sino ang katawan na nagkalat sa lugar.
Nakababahala kung ito nga ay kaso ng suicide bombers. Ang taong handang mamatay at pumatay sa pamamagitan ng suicide bombing ay mahirap pigilan. Dala na ng pagiging panatiko at radikal ang pag-iisip. Kailangan ay maging mahigpit nang husto ang seguridad kung paano mapipigil ang isang suicide bomber. Ang mahirap ay kung madiskubre ay maaari na rin niyang pasabugin ang bombang nakakabit sa kanya. Tama na maging mahigpit na ang immigration sa mga pumapasok na dayuhan, hindi lang sa airport kundi sa lahat ng puwedeng pasukan sa bansa.
- Latest