EDITORYAL - Durog na ang Road Board
WALA na ang maanomalyang Road Board. Noong nakaraang linggo, 180 sa 292 na mambabatas ang bumoto sa House Bill 7436 para sa pagbubuwag nito. Salamat at malulusaw na ang ahensiyang kinasasadlakan ng pondo na kinokolekta sa motor vehicle user’s charge (MVUC). Binabayaran ito ng motorista taun-taon kapag nagre-renew ng kanilang sasakyan. Umalingasaw ang corruption sa Road Board at nasinghot ito ni President Duterte kaya inatasan ang House na buwagin na ito. Pati ang Senado ay mabilis na kumilos para mabuwag ang ahensiya na nakalikom na umano ng P50 bilyon mula sa MVUC.
Sa bagong batas, ang pondo na makukuha sa MVUC ay ire-remit sa National Treasury sa ilalim ng special account sa General Fund. Ang pondo ay ekslusibong gagamitin lamang sa pagpapagawa, pagre-repair, pag-a-upgrade at pag-rehabilitate ng mga kalsada, tulay at drainage system. Makakasama ang pondo sa taunang General Appropriations Act.
Hindi nagagamit nang maayos ang pondo sa ilalim ng Road Board kaya minabuti mismo ng Presidente na lusawin na ito. Naamoy niya ang korapsiyon sa ahensiya kaya walang sinayang na panahon. Noon pa, marami nang nababalita sa ahensiyang ito pero walang maglakas ng loob para halukayin ang katotohanan sa nalilikom na pondo na galing pa naman sa motorista.
Maraming motorista na rin ang nagtatanong kung bakit sa kabila nang taun-taon na pagbabayad ng MVUC ay pawang sira-sira pa rin ang mga kalsada at may mga tulay na halos ay hindi madaanan. Nasaan na ang kanilang ibinayad? Bukod sa mga sira-sirang kalsada, marami rin ang walang sapat na signages o mga babala. Mayroong mga gilid ng bundok na halos sira-sira o wala na ngang railings dahilan para mahulog ang mga pampasahero at pribadong sasakyan. Marami nang malalagim na pangyayari na ang pampasaherong bus ay nahuhulog sa bangin dahil sa kawalan ng bakal na harang.
Ngayong buwag na ang Road Board, umaasa ang marami na maisasaayos na ang pondo at magagamit na nang tama para sa pagpapagawa at pagsasaayos ng mga kalsada, tulay, drainage at maski ang paglilinis sa Manila Bay.
- Latest