EDITORYAL - Kasuhan din ang mga magulang ng 9-anyos
INAPRUBAHAN na ng justice committee ng House of Representatives ang batas na nagbababa ng edad sa criminal responsibility. Mula sa dating edad na 15, ibababa ito sa edad 9. Si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang nagsulong ng panukala bilang pag-ammend sa Juvenile Justice and Welfare Act. Ginawa ni Arroyo ang hakbang bilang pagsuporta sa kahilingan ni President Duterte na maibaba ang criminal liability. Ayon sa Presidente ginagamit ng mga sindikato ng droga ang mga bata at meron pang 6-anyos ay ginagawa ng runner.
Kapag naging ganap na batas, tiyak nang mapaparusahan ang mga batang edad 9. Kung ito ang batas, dapat sundin subalit dapat din namang magkaroon ng liabilities ang mga magulang ng bata. Kung parurusahan ang 9-anyos, kasama ring parusahan ang kanilang mga magulang. Hindi sasapitin ng bata ang ganitong kapalaran kung naging responsable ang kanilang mga magulang.
Nakaaalarma na ang mga nangyayari ngayon na nagiging marahas na ang mga menor-de-edad. Kamakailan lang, nakunan ng video ang mga “batang hamog” na edad 9 pataas habang kinukuyog ang isang jeepney driver sa Port Area, Maynila. Sumakay ang mga bata at pinagtulung-tulungan ang drayber na pagsusuntukin habang ang iba ay nililimas ang kinita nito sa pamamasada. Nang makuha ang pera, nagtalunan na ang mga bata at nawala sa dilim. Walang magawa ang kawawang drayber na nagtamo ng mga sugat sa mukha dahil sa pagsalakay.
Noong nakaraang taon, nakunan ng CCTV ang pagsalakay ng mga menor-de-edad na lalaki at babae sa isang pasahero ng dyipni sa Macapagal Avenue, Pasay City. Habang naka-stop ang jeepney, umakyat ang isang babaing menor-de-edad at hinihingi ang pagkain na hawak ng mag-inang pasahero. Tumanggi ang mag-ina.
Nagmamadaling bumaba ang menor-de-edad na babae, nagtungo sa gilid ng dyipni na kinauupuan ng mag-ina. Hinaltak nito ang buhok ng ina na hinihingian ng pagkain. Kahit umaandar na ang dyipni ay ayaw pa ring bitiwan ng batang hamog ang buhok ng babae. Tumulong na ang ibang pasahero para maitaboy ang marahas na menor-de-edad.
Binabatikos ang pagpapababa ng edad sa criminal liability. Inaasahan na ito. Pero kung iisipin, nararapat lang na maibaba ang edad dahil sa nangyayaring karahasan. Hindi na normal ang nangyayari na wala nang kinatatakutan ang mga bata. At kung parurusahan sila, kasama rin dapat ang mga pabayang magulang.
- Latest