Buksan pa ang pintuan sa mga sumusukong rebelde
BAGONG taon na at pumasok na ang taong 2019. Ito ang kauna-unahan kong kolum bilang isang kolumnista na lamang ng Pilipino Star NGAYON dahil gaya nang naihayag ko na, sa edad kong magpi-pitumpu, kailangan ko na ring maglaan ng panahon para sa aking sarili.
Sana, sana lang, iretiro na rin ng ating pamahalaan ang walang saysay na pakikipagdayalogo sa mga rebeldeng komunista na sa loob ng napakaraming dekada ay walang inaning bunga sa ikatatamo ng tunay na kapayapaan.
Alam na ng marami na ang pilosopiyang Marxism ay masama dahil itinatakwil nito ang katotohanang may Diyos. Alam na ng marami na sa ilalim ng kaisipang ito, itinuturing ang lahat ng sistema ng pamamahala na masama at dapat durugin upang ito ang makapaghari. Kung mga komunista ang tatanungin, ayaw nila ng power sharing. Ang tanging gusto nila ay umagaw ng kapangyarihan.
Malaking halaga na ang nasayang ng pamahalaan sa mga peace negotiations na ginaganap sa ibang bansa pero hanggang ngayo’y wala pa rin tayong mabanaagang liwanag. Bagkus, walang tigil ang mga rebeldeng NPA sa panunulisan at paghahasik ng lagim. Pinipigilan pati ang mga pagsisikap ng gobyerno na makapaglunsad ng proyektong makapag-aangat sa kapakanan ng mamamayan.
Ang tanging solusyon sa problema ay ipatupad ang puwersa ng batas laban sa mga naghahasik ng lagim at sa mga nangingikil sa mga taong ibig lamang makapagnegosyo at kumita ng maayos. Kasabay nito, buksan ang pintuan sa mga rebeldeng nais nang sumuko at magbalik-loob sa lipunan at bigyan sila ng posibleng tulong na maipagkakaloob upang maiangat ang kanilang kabuhayan. Bagsak na ekonomiya ang dahilan ng rebelyon kaya ang pag-aangat sa kabuhayan ng mga pinakamahirap sa mga mahihirap ang dapat pagtuunang pansin ng pamahalaan.
- Latest