^

PSN Opinyon

Timbang ng misa

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

TRUE story ito, ilang dekada na ang lumipas sa bayan ng Luxembourg, pinasa ng isang matandang nun kay Sr. Veronica Murphy mula naman sa kuwento ni Rev. Fr. Stanislaus, SS.CC.:

Naghuhuntahan ang matadero at Kapitan ng Forest­ Guards nang pumasok sa tindahan ng karne ang matan­dang babae. Manlilimos sana siya ng konting karne, at wala siyang pambayad. Napangisi si Kapitan sa ma­ta­dero: “O, konting karne lang daw, gaano karami ang ibi­bigay mo?”

“Pasensiya na,” bulong ng lola, “pero kung gusto mo, ipagsisimba kita.” Walang relihiyon ang dalawang lalaki. Tinuya nila ang matanda. “Sige nga,” anang matadero, “ipag­simba mo ‘ko, tapos bumalik ka at ibibigay ko ang katimbang ng misa mo.”

Bumalik ang matanda. Natatawa ang dalawa. Sumulat si matadero sa pirasong papel: “Ipinagsimba kita.” Pina­tong ito sa timbangan, sabay kuha ng maliit na buto at sinukat ang bigat. Hindi gumalaw ang timbang. Dinagdagan ng matadero ng konting karne; hindi pa rin gumalaw.

Medyo napahiya ang matadero at Kapitan sa panu­nuya nila, pero tinuloy ang laro. “Ano’ng gusto mo mang­yari, lola,” kabadong tanong ng matadero, “isang hita ng tupa ang ilagak ko?” At siya ngang ipinatong sa timba­ngan. Nang di pa rin gumalaw ang timbang, kinutingting ng matadero kung sira ito. Ayos naman. Wala nang kibo si Kapitan.

Idinagdag ng matadero ang hamon. Mas mabigat pa rin ang papel. Nilagyan niya ng tadyang ng baka; gan’un pa rin. Namangha siya; ora-mismo ay napaniwala sa Diyos. “Bumalik ka araw-araw,” aniya sa lola, “bibigyan kita ng karne.” At si Kapitan, umuwi’t nagpasyang magbagong-buhay. Naging pala-simba araw-araw. Pinala­king pala-dasal ang dalawang anak, na parehong naging pari: isa ay Hesuwito, ‘yung ikalawa naman ay Father of the Sacred Heart.

Winakasan ni Fr. Stanislaus ang istorya sa pag-amin: “Kasapi ako ng Religious of the Sacred Heart, at ang Kapitan na ‘yon ang aking ama. Pinangaralan niya kami na taimtim na mag-misa araw-araw.”

Maligayang Pasko sa ating lahat.

JARIUS BONDOC

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with