Legal na anak o anak ng kabit?
(Huling bahagi)
IBINASURA ng korte ang mosyon ni Jessica pero dineklarang mas mapapangalagaan ang emosyonal at sikolohikal na katayuan ng bata kung kikilalanin bilang anak sa unang kasal. Hindi raw siya maaaring ituring na anak sa labas. Lalabas tuloy ay walang karapatan sa visitation rights si Harry o kaya ay ipagamit sa bata ang apelyido niya dahil ikakasira ito ng kasal nina Niko at Jessica.
Kinatigan ng Supreme Court ang CA. Lahat daw ng konklusyon pabor sa legalidad ang dapat umiral alinsunod sa Article 167 ng Family Code. Base ito sa prinsipyo na dapat umiral ang hustisya at dapat protektahan din ang dangal ng isang ina pati ang pagiging inosente ng isang bata at pigilan na masira ng batik ng pagiging anak sa labas ang kanyang pangalan. Kailangan muna daw patunayan na hindi nakipagtalik kay Niko si Jessica sa loob ng 120 araw ng 300 araw ng kanyang pagbubuntis bago niya tuluyang ipinanganak si Zander.
Sa kasong ito, nakatira sina Harry at Jessica sa isang subdivision malapit lang sa subdivision kung saan nakatira naman si Niko, may apat na kilometro lang ang layo. Mahirap paniwalaan na hindi man lang nagkaroon ng pagkakataon ang dalawa na magkita o magsiping. Hindi ito imposibleng mangyari kaya ang konklusyon ay legal na anak ni Niko at Jessica si Zander.
Bilang legal na anak ay karapatan ni Zander na taglayin ang apelyido ni Niko at Jessica alinsunod sa Article 176 ng Family Code. Walang karapatan si Harry na ipilit ang kanyang apelyido kay Zander na sa mata ng batas ay hindi naman niya kadugo.
Tungkol naman sa visitation rights sa ilalim ng Article 49 ng Family Code, it ay para lang sa isang magulang na tinanggalan ng karapatan sa kanyang anak. Dahil walang matibay na relasyon sa pagitan nina Harry at Zander, hindi ito mapapayagan (Concepcion vs. CA and Almonte, G.R. 123450, August 31, 2005).
- Latest