Ginahasa ng sariling ama
(Huling bahagi)
MATAPOS ang pagsusuri at mapatunayan na talagang napunit ang kanyang hymen, nagsampa ng tatlong reklamong rape si Lani laban kay Gardo. Si Lani ang pangunahing testigo na nagsalaysay sa kanyang sinapit sa kamay ng ama.
Ang depensa naman ni Gardo ay puro kasinungalingan at imbento lang daw ang paratang ni Lani sa kanya. Noong unang rape daw ay nakatulugan niya ang panonood ng TV sa salas at nagising bandang alas singko para pumunta sa bundok at manguha ng kopra kasama ang kanyang mga kapatid at kabarkada. Sinang-ayunan pa ng mga kapatid ang kanyang palusot.
Sa pangalawang insidente raw ng rape ay natutulog naman siya sa bahay ng kapatid sa bundok na may walong kilometro ang layo sa kanilang bahay kung saan nangyari ang krimen. Sa pangatlong insidente ng rape, nagpaalam daw si Lani na dadalaw sa nanay nito pero hindi niya pinayagan. Nagalit daw ang anak pero tinulugan lang niya. Sumunod na araw daw ay sama-sama silang nagsimba.
Ngunit napatunayan pa rin ng korte na nagkasala siya para sa tatlong insidente ng panggagahasa at ang naging hatol ay kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection sabay pinagbabayad ng danyos. Nang awtomatikong umakyat sa Supreme Court ang kaso, ang ikinatwiran ni Gardo ay nagkamali ang mababang hukuman sa naging hatol at sa pinababayarang danyos dahil kulang naman daw ang ebidensiya ng prosekusyon laban sa kanya.
Ngunit ayon sa Supreme Court, kapani-paniwala ang isinalaysay ni Lani. Bata, edukada at matalino si Lani. Nasasalamin sa kanyang mga sagot sa korte ang katapatan ng kanyang sinasabi. Kung ang isyu ay tungkol sa kredibilidad ng testigo, hindi na gagalawin ng SC ang naging rekomendasyon ng mababang hukuman dahil mas nasa posisyon ito para humatol. Tinakot si Lani sa pamamagitan ng kutsilyo, sa tindi ng pagkagulat niya na sariling ama pa mismo ang nagsamantala sa kanyang pagkababae, natural na hindi makakapanlaban si Lani. Hindi importanteng patunayan na nakapanlaban si Lani lalo at umiral sa kanya ang matinding takot o pangingimi sa ama. Sa kabila nga ng posibilidad na maaaring hatulan ng kamatayan ang ama ay naging matatag at matigas si Lani para makakuha ng hustisya para sa sarili.
Sa kabilang banda, ang alibi ni Gardo ay patungkol lang sa pangalawang insidente ng rape, noong nasa bundok daw siya at nangunguha ng kopra. Kahit sabihin pa natin na totoo ang kanyang sinasabi, napatunayan pa rin na nasa bahay siya kasama ni Lani ganap na ala-una nang madaling araw noong mangyari ang dalawang insidente ng rape. Hindi rin imposible na naroon siya sa parehong lugar na nabanggit dahil may walong kilometro lang ang distansiya ng dalawang bahay. Bukod sa pagtanggi at sa kanyang alibi ay wala na siyang ibang pruweba. Pero dapat ibaba sa reclusion perpetua ang sentensiya sa kanya imbes na death penalty dahil hindi nakasaad sa reklamo ang mga aggravating circumstance na makapagpapabigat sana sa hatol. Dapat din na bawasan ang ibinigay na danyos (People vs. Umbaa, G.R. No. 146862-64, April 30, 2003).
- Latest