Iginagalang ng BITAG ang batas at hukuman!
ITO’Y isang paglilinaw sa mga taong dumadayo sa aming tanggapan upang magreklamo, magsumbong, mag-report o humingi man ng payo.
Hindi nanghihimasok ang BITAG sa mga kasong nasa poder na ng hukuman. Ginagalang at nirerespeto namin ang kapangyarihan ng hudikatura bilang sangay ng ating gobyerno.
Kaya sa tuwing may nagrereklamo sa amin na mayroon ng kaso o kasalukuyang dinidinig ang kaso sa korte, hindi na namin pinakikialaman.
Kami’y mga journalist, maituturing nga imbestigador sa media. Pero hindi kami mga abogado para magmarunong.
We are guided by a corporate and resident lawyer and that is Atty. Batas Mauricio. May mga kaibigan din ang BITAG na legal officers from the private and public sectors, kaya hindi kami malalamangan o maiisahan.
Ang gusto kong puntuhin, malaking insulto para sa korte na makialam at umepal kami sa kanilang mga desisyon. Ang siste, tuturuan namin sila kung paano gawin ang kanilang trabaho. That’s not how it works.
Mga boss, abogado ang tatayo at dedepensa sa inyo sa korte. Hindi kami. Puwede namin kayong tulungan makahanap ng abogado o kaya makalapit sa PAO.
Katulad ng isang sumbong na naengkuwentro namin nitong nagdaang linggo. Kasalukuyang nakaupload na ito sa BITAG YouTube Channel at may title na “Talo na sa Korte Suprema! Kay BITAG, ayaw pa din patalo!”
Dating OFW project manager sa Saudi, ganitung-ganito ang kaso. Nag-file ng vacation leave sa company noong 2015. Pumirma sa quit claim nang hindi binabasa. Ayun, napahamak!
Umuwi at dito nagreklamo. Nagkaroon ng hearing sa DOLE pero natalo. Umapela at umabot hanggang sa Supreme Court. Sa kasamaang palad, talo pa rin.
Sarili niyang abogado, mukhang sumuko na rin sa kanilang kaso. Sa kung ano mang kadahilanan, hindi na siya sinasagot.
Wala nang magagawa ang aming grupo oras na magdesisyon ang korte. Lalong-lalo na sa kasong ito.
Kataas-taasang hukuman na ang naglabas ng desisyon. Kahit ang pangulo, walang karapatang mangialam sa trabaho ng mga korte.
Tayo ay bansa na pinaiiral ang batas. Walang sinuman ang ligtas o exempted sa batas. Kung ‘di natin susundin desisyon ng korte, ano pang silbi ng batas? Magkagulo na lang tayo’t pairalin ang anarkiya.
Mabigat sabihin sa isang desperadong nagrereklamo na wala kang magagawa. Gusto man naming tumulong, tali ang aming kamay.
- Latest