Bad habits na nakakatanda
MAY mga habits na may masamang epekto sa ating kalusugan. Iwasan natin ang mga kaugaliang ito para hindi mabawasan ang haba ng ating buhay.
1. Iniisip na ikaw ay matanda na (bawas 5 taon sa iyong buhay).
Kapag inisip mo na ika’y matanda na, susunod din ang iyong katawan. Kaya isipin mong bata ka pa at magkaroon din ng positibong pananaw sa buhay. Ayon kay Norman Vincent Peale, kapag inisip mo na kaya mong talunin ang iyong sakit at suliranin, marahil ay magagawa mo ito.
2. Kulang sa ehersisyo (bawas 7 taon).
Ayon sa pagsusuri, kahit kaunting ehersisyo ay may tulong na sa ating kalusugan. Mag-ehersisyo ng 3 hanggang 5 beses bawat linggo ng mga 1 oras. Kapag susundin natin ito, makaiiwas tayo sa diabetes, sakit sa puso at arthritis. Mapapanatili rin natin ang ating tamang timbang. Kung kayo ay lampas edad 40 o 50, umiwas na sa mga high impact exercises tulad ng basketball, badminton at running. Piliin ang paglalakad, swimming at taichi para hindi matagtag ang iyong mga tuhod at paa.
3. Hindi maingat sa sex partners (bawas 8 taon).
Ang pagkakaroon nang maraming sex partners ay puwedeng magdulot ng sexually transmitted diseases (STDs). Ang mga sakit na gonorrhea (tulo) at herpes ay magagamot pa, ngunit ang sakit na HIV-AIDS ay wala pang panlunas. Dumarami na ang bilang ng Pilipino na may HIV virus. Sundin ang payo ng DOH para makaiwas sa AIDS: (A) Abstinence o iwas sa sex; (B) Be faithful sa iyong partner; at (C) Careful sa sex. Gumamit ng condom kung kinakailangan.
4. Naninigarilyo (bawas 8 taon).
Ayon sa pagsusuri, ang mga taong naninigarilyo ay mas maagang namamatay ng 8 taon kumpara sa mga hindi naninigarilyo. Mayroon pang higit sa 70,000 na pag-aaral ang nagpapatunay na ang paninigarilyo ay puwedeng magdulot ng sakit at kanser sa puso, baga, tiyan, bituka at prostate. Kaya kung gusto n’yong humaba ang buhay, itigil na po ang paninigarilyo. Kaya mo iyan!
5. Ayaw inumin ang maintenance na gamot (bawas 10 taon).
Napag-alaman ng mga eksperto na ang mga taong umiinom ng gamot sa high blood pressure at diabetes ay humahaba ang buhay ng higit-kumulang 9 na taon kumpara sa mga taong hindi umiinom ng gamot. Malaki rin ang benepisyo ng mga gamot tulad ng aspirin at statins para sa kolesterol. Kaya kung kayo ay lampas 40, magpatingin na sa iyong doktor at itanong kung kailangan mo nang uminom ng gamot. Good luck po!
- Latest