EDITORYAL – Maguindanao massacre
SA Biyernes (Nobyembre 23) ay gugunitain ang ika-siyam na taon nang pinaka-karumal-dumal na krimen sa bansa --- ang Maguindanao massaker. Limampu’t walo ang pinatay na kinabibilangan ng 32 mamamahayag. Umaabot naman sa 112 tao ang sangkot sa massacre. Pangunahing suspect ang pamilya Ampatuan. Nangyari ang masaker sa panahon nang pagpa-file ng kandidatura para sa 2010 elections.
Marami sa mga kaanak ang nawawalan na ng pag-asa na makakakuha pa ng hustisya. Siyam na taon na silang naghihintay at wala silang nababanaag na liwanag sa kaso. Nasaan ang hustisya sa bansang ito? Bakit kailangang ipagkait ang katarungan?
Noong Lunes, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na nalalapit na ang resolusyon sa kaso. Multiple murder ang nakasampa kay Andal Ampatuan Jr. at iba pang akusado. Isinumite na umano ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang resolution sa kaso at hindi na magtatagal at hahatulan na ang mga akusado.
Kung totoo ito, magandang balita para sa naghahangad ng hustisya. Sana hindi na magtagal para naman maibsan ang bigat ng dibdib ng mga naulila.Magugunita na noong Nob. 23, 2009, kasama ang mga mamamahayag, nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, subalit hinarang sila ng may 100 armadong kalalakihan at pinagbabaril. Matapos matiyak na patay na lahat, inilibing sa nakahandang hukay.
Sinampahan ng kaso ang pamilya Ampatuan at mahigit 100 katao dahil sa masaker. Namayapa na ang matandang Ampatuan noong 2014 at mayroon namang pinalaya na dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Marami sa mga kaanak ng biktima ang napapagod na at nawawalan ng pag-asa na makakamtan ang hustisya. Lalo pang nadagdagan ang kabiguan, nang sabihin ng legal expert na aabutin nang mahabang panahon bago magkaroon ng desisyon ang kaso. Pangamba rin ng mga naulila ang unti-unting pagkawala ng mga testigo sa karumal-dumal na krimen. Marami nang pinatay para wala nang makapagsalita sa totoong nangyari.
Sana nga totong malapit na ang resolusyon sa kaso. Matatapos na rin ang paghihintay. Makakamit na ang hustisya.
- Latest