EDITORYAL - Wala nang fuel tax
SA darating na Enero 2019, hindi na papatawan ng tax ang gasolina at diesel. At kapag nagpatuloy ang pagmahal ng langis sa pandaigdigang pamilihan, maaaring wala na ring fuel tax sa 2020. Ito ang inihayag ng Department of Finance kamakalawa. Bago ang paghahayag na suspendido ang excise tax sa Enero, una nang nagpahiwatig si Pres. Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo na maaaring ipasuspende niya ito. Gayunman, sinabi ng DoF na ang pinapataw na tax sa petrolyo sa huling tatlong buwan ng 2018 ay magpapatuloy. Sa ilalim ng TRAIN law, ang tax na ipinapataw sa gasolina para sa 2018 ay P7 at sa diesel ay P2.50. Kung hindi sinuspende, ang magiging tax ng gasolina para sa 2019 ay P9 samantalang sa diesel ay P4.50.
Mabuti naman at nakinig ang economic managers ng Presidente at nagdesisyong isuspende na ang excise tax. Kung hindi pa nagpahiwatig ang Presidente, baka hindi pa kumilos ang kanyang mga opisyal. Nakasaad naman sa TRAIN law na kapag sumampa sa $80 per barrel ang crude oil, awtomatikong suspendido ang tax. Nakapagtataka lang na hindi pa gumagawa ng hakbang ang economic team at hinintay pang tumaas ang inflation rate na ngayon ay pumapalo na sa 6.4 percent. Kung tutuusin, dapat ngayon pa lang ay suspendihin na ang excise tax at huwag nang hintayin pa ang Enero 2019. Nanghihinayang marahil ang economic team sa kikitain pang bilyones sa nalalabing tatlong buwan.
Lagi nilang iniisip ang kikitain sa tax pero ang hirap namang dulot nito sa nakararami ay grabeng bigat. Marami nang umaaray sa sobrang mahal na bilihin. Hindi na mapagkasya ang kinikita para makabili nang sapat na bigas para sa kanilang pamilya. Nagmahal na rin ang sardinas, mantika, asukal at marami pang iba. Nagbabanta pang tumaas ang singil sa kuryente, tubig at pamasahe.
Nanghihinayang ang mga opisyal sa kikitain mula sa tax ng petrolyo sapagkat dito raw nanggagaling ang pondo para sa “Build, Build, Build” program. Ang tanong, wala pang naaaninag sa programang ito gayung magtatatlong taon na ang Duterte administration. Hmmm. Ganunman, mabuti at nakinig ang gobyerno sa panawagan na itigil ang fuel tax. Maaring gumaan kahit paano ang pasanin ng mamamayan.
- Latest