EDITORYAL - Ibawal ang pagmimina
WALANG magandang idudulot ang pagmimina. Marami nang namatay dahil natabunan ng lupa mula sa minimina. Marami na ring nasirang bundok, ilog, sapa at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga tao. Sa simula lamang magbibigay nang ikabubuhay ang mga minahan pero kapag tumagal na, kapahamakan na walang katulad ang idudulot ng mga ito. Kaya ang sinabi ni President Duterte na ipahihinto niya ang pagmimina sa 2019 ay karapat-dapat. Magandang desisyon para maiwasan na ang pagkamatay ng mga tao at pagkasira ng kapaligiran.
Kung walang nagmina sa Itogon, Benguet, hindi guguho ang lupa roon na umutang sa buhay ng 70 katao noong Setyembre 15. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paghahanap sa mga natabunan ng lupa.
Sabi ng Presidente nang magsalita sa assembly ng rebel returnees sa Samar noong Martes, ipagbabawal na niya ang mining sa susunod na taon. Ayaw niya sa mining sapagkat sinisira ang kapaligiran. Sa Mindanao umano, ang open-pit mining ang dahilan kaya maraming butas ang mga kabundukan. Sa mga butas na ito naiipon ang mga tubig na nagiging dahilan nang paghina ng lupa na nauuwi sa landslides.
Ang matindi pa umano, ayon sa Presidente, P70 billion lang ang revenues na kinikita ng bansa sa mga mining companies. At ang halagang ito ay kulang pang pangpa-repair sa mga nasira sa environment at pambayad sa mga namatay. Ayon sa Presidente P70 billion times five ang gastos sa pagsasaayos dahil sa mga nangyaring landslides, pero sira pa rin ang kalikasan.
Marami nang nangyaring pagguho dahil sa pagmimina. Halimbawa ay ang gumuhong bundok sa Bgy. Guinsaugon, St. Bernard, Southen Leyte noong Peb. 17, 2006 na ikinamatay ng 1,100 tao. Buong barangay ang natabunan ng putik at mga bato. Pagmimina at illegal logging ang dahilan nito
Ang pagkamatay ng ilog sa Boac, Marinduque at ang pagkakasakit ng mga tao roon ay dahil sa pagmimina ng Marcopper. Ang mga latak mula sa minahan ay umagos sa ilog at namatay. Maraming nawalan ng hanapbuhay ang mga tao.
Kung magkakatotoo ang sinabi ng Presidente na sa 2019 ay ipagbabawal na niya ang pagmimina, magandang balita ito sapagkat maililigtas na ang kalikasan at lalung-lalo na ang buhay ng mamamayan.
- Latest