Armas galing US ayaw ni Duterte
MASIGASIG nag-aalok ng armas ang U.S. Masigasig din tinatanggihan ng Malacañang ang anumang gawang America.
Dalawang estilo ang ginamit ng U.S. sa pagbenta. Una, nang magka-interes si President Duterte sa Russian submarines, nagbabala agad ang Washington. “Masama” ito sa relasyong militar ng Pilipinas at America, ani Defense Asst. Sec. Randall Schriver. Kalaban kasi nila ang Russia. Inis na sinagot ni Duterte: “Ano’ng masama sa Russian subs?”
Iniba ng U.S. ang taktika. Magkasamang lumiham kay Duterte sina State Sec. Mike Pompeo, Defense Sec. James Mattis, at Commerce Sec. Wilbur Ross para humingi ng pulong. Ibinida ang teknolohiya ng Kano, lalo na sa F-16 fighters at helicopters. Pero galit pa rin sila sinagot ni Duterte na walang silbi ang F-16 jets. Kailangan umano niya ay maliliit na eroplano panlaban sa Komunista’t Islamist terrorists.
Halata sa mga sagot ni Duterte na kontra siya sa Amerikano. Kung panloob na seguridad lang ang problema niya kaya hindi kailangan ng F-16s, e di lalo na ng submarines.
Galit siya sa America dahil sa pagpuna sa kanyang madugong giyera kontra droga. Nang kinuwestiyon ng ilang mambabatas na Kano ang pagbili niya ng 26,000 U.S.-made M-14 police rifles na maari gamitin sa pagpatay sa street pushers, kinansela niya ito. Sinabing hindi niya kailangan ang M-14s na pampatay sa kapwa-Pilipino. Nang punahin din siya ng Canada, kinansela niya ang pagbili du’n ng combat choppers.
Pinaalala rin ni Duterte ang Balangiga bells. Ipinamukha niya ang pagkuha ng U.S. Army sa mga kampana matapos imasaker ang mga taga-Samar nu’ng 1901. Sabi ni U.S. Amb. Sung Kim na pinaaaprubahan nila sa Kongreso ang pagsoli ng kampana. Sagot ni Duterte na walang pag-uusapan hangga’t hindi pa naide-deliver ang mga kampana.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest