Pinatay ang mister
(Unang bahagi)
ISANG kaso na naman ito na isinampa sa korte at nakasalalay lang sa “circumstantial evidence”. Tinatalakay din sa kaso ang pinagtagni-tagning pangyayari para patunayan ang kutsabahan ng mga suspek sa krimen pati kung totoong nagpakamatay o sadyang pinatay ang biktima. Ito ang kaso nina Ara at Rommel.
Maagang nag-asawa sina Ara at Rommel dahil sa bugso ng damdamin at kapusukan. Pinakasalan ni Ara si Rommel kahit alam niyang parati itong lango sa droga’t alak at kapag “high” ay nagbabasag ng mga bagay-bagay. Mama’s boy din si Rommel pero sa kabila nito ay may nakababata siyang kapatid na lalaki at babae, sina Andy at Naty, na parehong iniidolo ang kanilang kuya. Lumalabas tuloy na naiinggit pa ang dalawa nang pakasalan ng kuya nila si Ara.
Para suportahan ang kanyang pamilya, nagpapatakbo ng imprenta si Rommel na naitayo sa tulong ng ina. Nang magkaroon ng cancer ang ina ay naging malungkutin siya, hindi kumakain at hindi na halos natutulog sa gabi. Lalong lumala ang kanyang depresyon nang mamatay ang ina. Nabaon pa sila sa maraming utang at siya ang may responsibilidad sa pagbabayad. May panahon pa na sumulat siya at sinasabi roon na gusto na niyang sumunod sa ina. Dalawang beses din siyang nagtangkang magpatiwakal kaya inirekomenda na ipasok na lang siya sa mental institution para magpagaling. Matapos ang dalawang linggo sa pagamutan ay umuwi na siya.
Ilang araw bago ang Pasko, naglalasing sa loob ng kuwarto ng mga bata si Rommel. Katatapos lang nilang kumain ng tanghalian kasama ang mga pinsan ni Rommel. Bandang alas dos, natagpuan ni Ara na patay na si Rommel dahil nagbigti, 26 anyos lang ito noon. Dinala sa pagamutan si Rommel pero dineklarang patay na. Dalawang araw pagkatapos ay inilibing na rin ang bangkay sa kabila ng kahilingan ni Andy na magkaroon ng awtopsiya. Ayon kay Ara, ginamit ni Rommel ang mga kumot para magbigti. (Itutuloy)
- Latest