Sandy Cay: Bagong isla inaagaw ng China
INAASAM ng China na mapasakamay ang bagong isla ng Pilipinas na Sandy Cay, tatlong nautical miles mula Pag-Asa. Gagamitin niya ito para guluhin ang 200 sibilyan, sailors, at Marines sa Pag-Asa, pinaka-malaki sa sampung isla at bahura ng bayan ng Kalayaan, Palawan. Ayon ‘yan kay Rep. Gary Alejano at sa Asia Maritime Transparency Institute ng USA. Batay ang ulat nila sa militar at mga eksperto sa geopolitics.
Nu’ng una, ang Sandy Cay ay kung ano ang sinasaad ng pangalan nito. Isa itong cay o mababang sandbar. Pero nabuo ito kamakailan bilang isla, na maaring tayuan ng mga bahayan at pasilidad. Kaya nais itong makontrol ng China sa paggigiit ng umano’y pag-aari sa buong South China Sea.
Ang Pag-Asa ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas sa ilalim ng Baselines Act. Ayon sa international law, bahagi ang Sandy Cay ng Pilipinas dahil sakop ng 12 nautical miles sa paligid ng Pag-Asa. Sinabi ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na ang Sandy Cay ay lubog at litaw sa high tide sa iba’t-ibang buwan. Tinukoy na sakop nga ito ng 12 milyang teritoryang karagatan ng Pilipinas.
Kamakailan, dahil sa dredging ng China sa Subi Reef, 16 milya mula sa Pag-Asa, naanod ang dinurog na corals patungong Sandy Cay. Tumaas ang buhangin sa sandbar. Naging permanente itong isla -- litaw sa high tide sa buong taon. Ayon sa international law, ang anomang isla na tumubo sa loob ng 12 milyang territorial sea ng isang bansa ay bahagi ng teritoryo ng bansang ‘yon. Kaya, sa Pilipinas ang Sandy Cay. Batay sa Konstitusyon, dapat ito ay ipagtanggol ng gobyerno.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest