Maling paniniwala sa gatas at katabaan
MAY mga paniniwala ang ilang magulang na puwedeng makasama sa kalusugan ng kanilang anak. Alamin natin ito.
Maling paniniwala: “Ang gatas na nabibili ay kasing-sustansiya ng gatas ng ina.”
Paliwanag: Mali po. Mas masustansya ang gatas ng ina kumpara sa gatas ng baka o powdered milk. Ang gatas ng ina ay may protina, carbohydrates at mahalagang minerals tulad ng calcium, phosphorus, sodium, potassium at chlorine. Bukod dito, may dagdag pa itong espesyal na panlaban sa sakit – ang immunoglobulins (IgA at IgG). Pinalalakas ng immunoglobulins ang resistensya ng bata para labanan ang ubo, hika, allergy at pulmonya. Ayon din sa pagsusuri, mas matalino at mas mataas ang IQ ng batang dumede sa nanay kumpara sa batang dumede sa bote. At siyempre, mas mura ang gatas ng ina at mas malinis pa. Napakamahal ng powdered milk at lalagyan mo ito ng tubig na posibleng kontaminado pa. Kaya sa mga nanay, i-breast feed na ang inyong anak.
Maling paniniwala: “Ang matabang bata ay malusog na bata.”
Paliwanag: Mali po. May paniniwala ang ibang magulang na ang matabang bata ay malusog. Dahil dito, ipinakikita ng magulang ang kanilang pagmamahal sa pagbibigay ng kung anu-anong pagkain sa bata. Ang resulta ay tumataba ang bata at maagang nagkakaroon ng mga sakit tulad ng high blood, diabetes at mataas na kolesterol. At dahil tinutukso ang bata ng kanyang kaklase, nagiging mahiyain at insecure din siya.
Para maiwasan ito, dapat ang mga magulang mismo ay magkaroon ng healthy lifestyle. Kung marunong pumili ng masustansiyang pagkain ang magulang, magagaya rin ito ng mga anak. Kaya umiwas na sa pagbili ng sitsirya, matatamis na inumin at kendi. Magbawas din sa pagkain sa fast foods at mga pritong pagkain.
Tandaan: Kapag marunong ang magulang ng tamang pagkain, magiging malusog din ang kanilang mga anak.
- Latest