World sport
GABI-GABING kinagigiliwan ang Football World Cup 2018 sa Russia, ang sport na paunti-unti na rin nating kinakareer. Hindi man natin naabot ang paligsahan, ang ating national team, ang Azkals, ay nakatala ng ranking na pang 111 sa mundo. Ito ang pinakamataas na nating antas sa kasaysayan. Tanging ang Vietnam ang mas mataas sa mga South East Asian nations. Pumapalo sa 102. Hindi na masama. Ang football ay hindi malaman kung pang-ilang paboritong sport ng Pilipino. Siyempre, topnotcher dito ang Basketball at Boxing.
Kung kaya walang impact gaano ang mga balitang lumalabas mula sa Russia, kahit pa ang gaganda ng mga laro. Halos matalo ng Japan na pang-61 sa mundo ang Superpower na Belgium, 3rd sa mundo. Ang South Korea naman na 57th ang ranking ay tumalo sa Germany na world No. 1. Tagumpay ito ng ating mga karehiyon na Asian teams. Kahit na. Marami pa ring pinoy ang walang keber.
Pero kung NBA ang usapan, sino ang hindi nakaaalam na pumirma na sa Los Angeles Lakers ang superstar na si LeBron James? Sa pagkasikat ng basketball sa ating bansa, alam n’yo ba na kasunod ng USA at ng China, ang Pilipinas na ang pinakamalaking market ng Nike sa kanilang mga produkto?
Sa ating pagkalulong sa basketball ay alam din pihado ng karamihan ang naganap na rambol sa pagitan ng Gilas Pilipinas at Australia National Team sa qualification para sa Basketball World Cup. Kita ng lahat ang pagkulapso ng disiplina ng ating mga player hatid ng mga maruming laro ng Australian Team. Imbes na pakinabangan ang siguradong pagpatalsik sa Australian player na nanakit, ang nangyari ay halos buong bangko ng Gilas ang nakisali at dinumog ang kalaban. Tuloy, siyam silang pinatalsik.
Ang pag-apoy ng damdamin sa panggugulang ng kalaban ay sana nagamit na mitsa para husayan ang paglaro. Sayang at pinayagan itong pumutok at dinala ang basketball sa larangan ng boksing. Hindi ito karapat-dapat sa mataas na ekspektasyon ng sportsmanship, lalo na’t tayo pa naman ang host.
- Latest