Sino kaya ang mananagot?
AYON sa isang nakaligtas na pulis sa “misencounter” sa pagitan ng AFP at PNP sa Samar, maganda raw ang panahon at suot nila ang kanilang opisyal na uniporme nang pagbabarilin sila ng mga sundalo. May mga litratong inilabas mula sa cell phone ng isang pulis, na ipinakita ang mga pulis sa patrol, tumitingin ng mapa at malilinis ang uniporme, taliwas sa mga pahayag mula sa mga sundalo na kaya nila napagkamalang mga NPA dahil marurumi ang uniporme at puro putik. Ayon pa sa nakaligtas, nanunuya pa raw ang mga sundalo sa kanila sa kasagsagan ng putukan. Pinag-aaralan kung natambangan ang mga pulis, dahil tila hinintay sila ng mga sundalo na maganda na ang posisyon nang magputukan. Wala pang reaksyon mula sa AFP hinggil sa lumabas na litrato. Hindi pa rin naisailalim sa ballistics testing ang mga baril ng mga sundalo, dahil wala pang utos mula sa mas mataas na opisyal sa AFP. Naaantala ang imbestigasyon dahil dito, at hindi rin nakakatulong sa mga usaping lumalabas tungkol sa insidente.
Inako naman ni Pres. Rodrigo Duterte ang hindi inaasahang insidente. Hindi raw dapat sisihin ang sinuman sa naganap dahil aksidente ‘yun at hindi sinasadya. Sa pagbisita sa burol ng mga pulis, nakiusap si Duterte sa mga kamag-anak na huwag nang magtanim ng galit at sama ng loob, patawarin na lang at pabayaan na lang ang imbestigasyon na makausad. Binigyan ng pera at cell phone ang bawat pamilyang nawalan ng minamahal sa buhay. Binanggit muli ang Murphy’s Law para ipaliwanag ang naganap. Kung tinanggap ng mga pamilya ng mga namatay ang mga payo ni Duterte, malalaman na lang sa mga darating na araw, kasabay ng resulta ng imbestigasyon. Talagang ginagawa lahat ni Duterte para i-“defuse” ang sitwasyon. Ayaw niya ito maging isang Mamasapano/SAF 44 na isyu para sa kanya.
Koordinasyon pa rin ang tinuturong pagkakamali ng dalawang panig. Pero inaalam pa rin kung saan natigil ang koordinasyion, para hindi na rin maulit. Ayon kay DILG Sec. Año, mananagot ang dapat managot. Sino kaya ang mga iyan?
- Latest