EDITORYAL - Curfew vs minors dapat paigtingin
MARAMING menor de edad ang nagkalat sa kalye sa dis-oras ng gabi at ang mga ito ang nararapat hinuhuli ng mga pulis. Kasabay sa pagsita sa mga tambay, nag-iinuman sa kalye na hubad-baro, naninigarilyo at umiihi sa kung saan-saan, dapat paigtingin din ang pagbabantay sa mga menor de edad na kakalat-kalat sa kalye na walang kasamang magulang o guardians. Mas nakaamba ang panganib sa mga bata na edad 18 pababa kapag nasa kalye sa dis-oras ng gabi. Sila ang nabibiktima at napapahamak at kinakasangkapan sa kasalukuyan ng drug syndicates. Karaniwang ginagawang runner ng illegal drugs ang mga bata para hindi matunugan ng mga awtoridad. Maski ang mga estudyante sa high school ay pinagbebenta na rin ng marijuana.
Noong nakaraang Lunes, ipinag-utos ni Pres. Rodrigo Duterte sa Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang mga kabataang edad 18 pababa na kakalat-kalat sa gabi. Sabi niya dapat pangalagaan ang mga bata sapagkat laganap ang illegal na droga. Ilagay daw sa kustodiya ng mga pulis ang mga batang ira-round-up. Dapat silang mailigtas. Ang gagawin daw ng mga pulis ay para sa kabutihan ng mga bata.
Noong 2016, nagkaroon nang paghihigpit sa mga kabataang kakalat-kalat sa kalye sa disoras ng gabi. Maraming kabataan ang nahuli at dinala sa presinto ang mga bata at doon sinundo ng mga magulang. Sinermunan ng mga pulis at mga taga-barangay ang mga magulang.
Subalit nawalang parang bula ang paghihigpit sa mga batang kakalat-kalat sa kalye kaya muli na namang nagsulputang parang kabute sa kasalukuyan. Kapansin-pansin ang mga batang hamog na nag-uunahan sa pag-akyat sa mga nakatigil na truck kung trapik at ninanakaw ang mga gamit. May mga batang kalye na pinagtutulungang pagnakawan ang mga pasahero ng dyipni. May mga namamalimos na bata sa dis-oras ng gabi at nasa panganib ang buhay sapagkat maaaring mahulog sa dyipni o masagasaan.
Ipatupad nang maayos ang pag-aresto o sa mga batang kakalat-kalat sa kalye kung gabi. Hindi sana ningas-kugon ang pagpapatupad nito. Parusahan naman ang mga magulang ng mga bata sapagkat sila ang dapat nangangalaga sa kanilang mga anak.
- Latest