May harassment pa rin?
HINDI raw alam ni Pres. Rodrigo Duterte ang insidente ng harassment umano ng Hukbong Karagatan ng China sa mga Pilipinong sundalo sa Ayungin Shoal, partikular sa mga sundalo na nagdadala ng supplies sa BRP Sierra Madre. Ayon kay Magdalo Rep. Gary Alejano, mababang lumipad daw ang helicopter sa ibabaw ng bangka na nagdadala ng supplies. Hindi naman daw nasaktan ang mga sundalo, pero nabasa sila nang husto sa lakas ng hangin ng helicopter. Naganap daw ang insidente noong Mayo 11.
Hindi sinagot ni Duterte ang tanong ng mga reporters kung nagalit siya sa naganap na insidente, dahil hindi pa naman daw niya alam ang tunay na pangyayari. Baka may masabi siya na hindi naman tugma rin sa tunay na pangyayari. Pero kung Mayo 11 pa nangyari ang insidente, may ulat na iyan mula sa mga sundalong apektado. Nagsampa na nga daw ng protesta ang Pilipinas sa naganap na insidente. Kung may protestang isinampa, hindi ba dapat alam iyan ng Palasyo?
Matatandaan ang pahayag ni DFA Sec. Cayetano na isa sa mga “red lines” na hindi dapat nilalabag ng China ay ang pagpigil, panakot, panindak sa mga sundalong nagdadala ng supplies sa BRP Sierra Madre. Hindi ba ito masasabing paglabag sa “red line” na iyan? O may paliwanag din ang DFA sa ginawa umano ng China?
Maganda sana kung makakausap mismo ang mga sundalo sa insidente, para magkaroon ng kumpirmasyon. Pero kung hindi sila papayagan magsalita ng kanilang kumander, hindi sila pwedeng magsalita. Kawawa naman ang mga sundalo sa BRP Sierra Madre kung sa tuwing may magdadala ng supplies ay ganito ang mangyayari. Nakapagtataka naman na kung maraming isinampang protesta sa China, tulad ng pahayag ni Cayetano, bakit may mga nagaganap pang ganitong insidente? Akala ko ba maayos na kausap ang China pag dating sa mga isyu sa South China Sea?
- Latest