‘Honesty is the best policy’
MARAMING beses ko nang napapansin na ang magagandang balita ay nasa kalagitnaan ng pahina ng mga pahayagan. Para sa akin na kung ang isang balita ay ikaaangat o ikakaganda ng imahe ng ating bansa ay dapat naman sanang bigyan ng importansiya. Puro na lang patayan, nakawan, droga at iba pa ang laman ng diyaryo. Sana’y bigyan din ng konting espasyo ang magagandang balita dahil ikaaangat ito ng ating bansa. Naiintindihan ko naman kung bakit dahil yan ang kinakagat ng balita ng masa. Tumataas ang benta at rating ng telebisyon dahil sa ganyang klaseng balita. Mahigpit ang kompetisyon ngayon dahil sa rami ng kalaban sa negosyo.
Nitong nagdaang mga araw, isang napakagandang balita ang nabasa ko na isang honest na Bureau of Immigration (BI) officer sa NAIA terminal 3 ang nagbalik ng $10,000 sa kanyang superior. Sa dinami-rami ng napabalitang nakawan sa NAIA, meron pa palang mga kawani ng BI na puwedeng pagkatiwalaan. Sa ginawi ni Bernadette Velasquez hindi lang pangalan niya ang umangat kundi ang ating bansa. Natabunan lahat ang ginawang kasalanan ng kanyang mga kasamahang napabalitang nag-umit ng mga gamit at pera ng ibang mga pasahero. Karapat-dapat lamang siyang gawaran ng plaque ng pagkilala dahil hindi biro ang halagang kanyang nahawakan. May mga tao talagang malinis ang konsensiya hindi kayang pag-interesan ang hindi niya pag-aari.
Naniniwala ako na marami pang tulad ni Velasquez hindi nga lang nailalathala sa mga pahayagan at napapanood sa telebisyon. Sila ang magandang halimbawa ng ating bansa, dahil kung nalaman ito sa buong mundo hindi na matatakot o mag-aalangan ang mga turistang bisitahin ang ating bansa. Aangat ang tema nating It’s more fun in the Philippines.
- Latest