Pag-alaga sa kalikasan para sa ating kapakanan
NANANAWAGAN ang Dept. of Environment and Natural Resources sa mga mamamayan. Huwag daw labagin ang mga batas pangkalikasan. Sa halip, ipagtanggol ang kapaligiran mula sa pagwasak.
Bakit nga ba napaka-pabaya ng mga Pilipino sa kalikasan. Simpleng batas lang laban sa pagsisiga ng dahon at papel, hindi masunod. Katwiran ng mga lumalabag sa Clean Air Act, kailangan daw ‘yon para umalis ang mga lamok. Mali! Kung takot sila sa insektong nagdadala ng dengue virus, hanapin at alisin nila lahat ng pinag-iipunan ng tubig na maaring pag-itlogan. Kung magsiga sila, ang usok ay magdudulot o magpapalala sa sakit sa baga.
Bawal dumumi at magdumi sa mga batis, ilog, at lawa. Ang tubig ay inumin at panlinis ng katawan at damit -- hindi basurahan. Pero inaabuso ito ng mga ayaw magkabit ng septic tank at water treatment facility, maging mahirap na bahayan man o malaking pabrika. Kaya napipilitan lahat bumili ng tubig -- na mahal.
Napakatamad ng mamamayang maghiwa-hiwalay ng basura. Dapat sana ang pinagtalupan sa kusina ay kino-compost, ang lumang kagamitan ay nire-recycle, at ang hazardous waste mula pabrika’t ospital ay ibinabaon nang wasto. Pero halu-halo ang nabubulok at di nabubulok sa mga public garbage dumps -- na punumpuno na.
Kinakalbo ang mga gubat, na naglilinis sa hangin at nagdudulot ng oxygen. Umiinit na tuloy ang panahon, at nahihilo ang mga tao. Tinitibag ang mga bundok, na pangkubli ng mga komunidad laban sa bagyo, tsunami, at ipuipo. Nagbabaha tuloy ang mga komunidad, nagigiba ang mga bahayan. Ang mga coral reefs ay dinidinamita para makahakot ng isda, maski maliliit pa. Kumukonti tuloy ang huli, at nagmamahal ang pagkain. Ang mga sasakyan ay mauusok, marurumi, at maiingay. Pati mga malls at restoran, kalye at bahayan na may videoke, sobrang iingay. Lahat ito ay nagpapalaki ng gastos sa gamot.
- Latest