Panahon ng pagbabago
HINDI na balita na isinusulong ang pagbabago sa liderato ng Senado. Kahapon ay natuloy na rin nang 15 senador ang lumagda sa resolusyong ideklarang bakante ang lahat ng posisyon sa kamara. Magkakaroon ng panibagong botohan ng Senate President, kasama rin ang pinuno ng Mayorya at mga Chairman ng Senate Committees.
Mula noong 2016, meron nang unawaan ang ating mga Senador na alinman kina Senator Koko Pimentel at Tito Sotto ang manunungkulang Pangulo ng Senado. Sa usapan ay si Senador Koko ang mauuna. Ang pagbigay ng priority ay pagkilala na rin sa kanyang pagiging Pangulo ng partido ng Presidente, ang PDP-LABAN.
Ngayon ay pagkakataon na ni Senador Tito, ang mismong tinukoy sa resolusyon na siyang papalit bilang Senate President. Kung si Senador Koko ay naging No. 1 sa Bar Exams, si Senador Tito naman ay naging No. 1 na rin – sa Senado, noong una itong tumakbo sa 1992. Mahigit 3 million yata ang naging lamang niya sa sumunod na kandidato.
Ang paghirang kay Senador Tito ay pagkilala hindi lamang sa kalidad ng serbisyong binigay nito sa institusyon, kung hindi sa tagal na ng kanyang inilaang karera bilang lingkod bayan. Sa lahat ng 24 (kasama si Sec. Alan Peter Cayetano), si Senador Sotto ang pinaka-Senior. Tanging siya lamang ang noong 1992 pa naunang pumasok sa Senado. Ilang adminsitrasyon na rin ang pinagdaanan nito – mula Pangulong Cory hanggang kay Digong. Anim na administrasyon. Ang kanyang pag-angat ay pagsaludo at pagkilala rin sa principle of seniority.
Ang partisipasyon ng mga miyembro ng kamara sa pagpalit ng kanilang liderato ay hindi kontrobersyal. Kinikilala ito mismo ng Saligang Batas kung kaya walang nadidismaya kapag ito’y nangyayari. Sa disenyo ng Senado, sadyang pinauubaya sa nakararami ang pagpili ng kung sino ang bibigyang karapatang mamuno sa kanila. Ano mang oras ay maari silang mapalitan. Hindi ito tulad ng Pangulo o ng Chief Justice na inihalal o inappoint upang maglingkod sa loob ng takdang termino.
- Latest