Smugglers ng bawang, sibuyas nariyan pa (1)
NAAALALA ko ang sinabi ni noo’y Secretary of Agriculture Proceso Alcala nu’ng 2013 tungkol kay umano’y smuggler ng panimpla sa pagkain na Lilia (alyas Leah) Cruz. Katindihan noon ng pagtaas ng presyo ng bawang sa palengke, P320-P400 kada kilo mula sa P80 lang. “Si Leah ay mabuting cartel,” ani Alcala. Nabigla ako: “Paano po siya naging mabuti, e labag sa Konstitusyon ang cartel at monopolyo?” Tumahimik lang siya.
Ngayon lang nasasagot ang tanong ko. Hinabla ng Ombudsman sina Alcala, Cruz, at 22 kasapakat sa katiwalian nagsimula noong Hulyo 2013. Chairwoman si Cruz noon ng Vegetable Importers, Experts, and Vendors Association, mga mamamakyaw, mag-aangkat, at traders ng bawang, sibuyas, luya, at gulay. Tinatag ni Alcala at ginawa rin chairwoman si Cruz ng National Garlic Action Team (NGAT). Kasapi ru’n ang walong pekeng kooperatiba ng magsasaka ng bawang -- mga prente ni Cruz. Taga-takda ang NGAT kung tama ang supply at presyo ng bawang sa bansa. Sa gan’ung paraan, bumuo sina Alcala at Cruz ng cartel sa industriya ng panimpla sa pagkain.
Agosto 2013 dineklara ng NGAT at Bureau of Plant Industry na sapat ang supply ng bawang hanggang anihan ng Marso 2014. Hepe ng BPI noon ang bata-bata ni Alcala na Clarito Barron. Makalipas ang tatlong buwan, Nobyembre 2013, biglang inaprubahan ng BPI ang sabi ng NGAT na magpa-import ng 58,240 tonelada ng bawang. Pinayagang mag-import ang mga pekeng kooperatiba ni Cruz. Bumaha ng bawang sa mga bodega nang dumating ang imports nu’ng Pebrero 2014. Nu’ng anihan ng Marso, dahil walang espasyo sa mga bodega, napilitan ang mga magsasaka na magbenta nang mura sa mga mamamakyaw -- sina Cruz at kasapakat din. Nang kontrolado na niya lahat ng supply ng bawang sa bansa, itinaas niya ang presyo sa P320-P400 kada kilo. Niloko na ang magsasaka, niloko pa ang mamimili. Sinasabing kumita si Cruz nang P120 milyon sa isang kisap. (Itutuloy)
- Latest