Bantayan ang balota
SA Lunes na ang halalan. Sabihin mang ito’y pambarangay lang at pang-Sangguniang Kabataan, ito’y kasing-seryoso ng alin man halalang politikal na ginaganap sa bansa.
Minsan, nagiging emosyonal at nagdudulot ng bangayan at away ng mga kandidato. Nakalulungkot na sa iba’t ibang dako ng bansa, may mga naitala nang pagpatay at ibang uri ng karahasan ng may kinalaman sa halalan.
Hindi rin nawawala ang posibleng pandaraya kaya lahat tayong mamamayan ay dapat maging mapagmatyag at mapagbantay. Sabi nga ng dalawang kongresista mula sa Tondo, ang publiko ay dapat maging vigilant para maiwasan ang ano mang hindi magandang pangyayari gaya ng pandaraya at karahasan.
Ayon kina Manila 1st district Rep. Manuel “Manny” Lopez at Manila 2nd district rep. Carlo Lopez, ito ay para makatulong ang mamamayan na mabunyag ang mga pagtatangka ng dayaan at karahasan at mapanatili ang isang parehas, matapat, malinis at mapayapang halalan.
Hinihikayat din ng dalawang lawmakers ang publiko na agad na ireport sa COMELEC at pulisya ang ano mang mapapansing kaso sa vote buying, dayaan at pagtatangka ng karahasan.
Palagay ko naman ay hindi magpapabaya ang ating mga tagapagpatupad ng batas upang siguruhing walang magaganap na untoward incident sa gaganaping halalan.
Tiniyak na ng COMELEC at Philippine National Police na magiging maagap ang pag-aksyon nila sa mga reklamong may kaugnayan sa halalan mula sa mga mamamayan para mahadlangan ang hindi kanais-nais na mga insidente.
Pero huwag kalilimutan na tayong mga mamamayan ay may tungkulin ding dapat gampanan. Huwag tayong magwawalang-bahala sa mga mapapansin nating hindi kanais-nais na pangyayari.
- Latest