Inaalipusta tayo ng China
HUWAG na nating pagdudahan pa ang balitang nagtalaga ng mga cruise missiles sa karagatang bahagi ng ating EEZ o exclusive economic zone. Kung walang masamang balak ang China, dapat magkusa itong imbitahan ang ating pamahalaan upang silipin kung totoo ang balita. Iyan ang tanging paraan para mapanatili ang “goodwill” sa pagitan ng ating mga bansa. SOP iyan sa magandang ugnayang diplomatiko ng mga bansa.
Ngunit malamang na totoo ang balitang ito. Huwag nang sabihin ng ating mga awtoridad na beberepikahin pa. Tanungin agad ang China kung totoo ang balita o hindi. Kung kumpirmado, iyan ay tahasang paglabag sa ating Konstitusyon at maituturing na foreign invasion. Puwedeng sabihin ng China na kanila ang teritoryo at wala silang nilalabag na batas. Pero naniniwala ako na maraming bansa ang kakampi sa atin at sa malinaw na katotohanang nang-aagaw ng teritoryo ang China.
Ang Senado ay planong magsiyasat kaugnay ng sensitibong usapin. Kung tutuusin, noon pa la’ng nagsimulang magtayo ng artificial island ang China ay dapat na tayong umalma. Pero ang lahat ng pandarahas ng China ay pinalalampas lang natin. Nakataas lang ang ating mga kamay sa katotohanang hindi natin kaya ang higanteng dragon na ito. Totoo naman pero hindi naman natin sosolohin ang pakikipaglaban sa mapayapang paraan.
Hindi lang kasi Pilipinas ang apektado ng ganitong militarisasyon, kundi ang buong daigdig, lalu na ang mga bansa sa Asya. Marahil, kung tayo ay magpo-protesta ay maraming bansa ang susuporta sa atin. Ngunit paano tayo susuportahan kung sa panig natin ay wala tayong ginagawa?
Sabi nga ni Sen. Bam Aquino, ang presensya ng mga instilasyong militar ng mga dayuhan sa ating bansa ay tahasang paglabag sa ating Saliganbatas maliban na lang kung ito’y nakapaloob sa isang tratado o kasunduan.
Simple lang naman ang dapat gawin. Magharap ng diplomatic protest upang maipamukha sa China ang ginagawang paglabag nito hindi lamang sa Konstitusyon ng Pilipinas kundi sa pandaigdig na batas na nabigasyon.
- Latest