Mahinang semento, bakal naglipana
NAGLIPANA pa rin ang substandard na reinforcement bars at lumang semento. Ito’y miski miya’t-miya ang paalala sa mga mamimili na peligroso ang mga gan’ung produkto, lalo na kung pang-structural ang gamit -- poste, pader, biga, sahig, o daanan. Sapat na dapat ang leksiyon ng Super Typhoon Yolanda sa Eastern Visayas at Bohol earthquake nu’ng 2013. Nabatid na marami sa mga gumuhong gusali at signboards ay gawa sa mahihinang bakal at semento. Maraming namatay at nabalda; bilyon-bilyong piso ang nasayang. Pero patuloy pa rin ang pagbili ng mamamayan na naghahanap ng mura pero hindi iniisip ang kalidad. Marami pa ring hardware stores na nagsasamantala ng kamangmangan ng publiko.
Kamakailan sinuyod ng Philippine Institute of Steel Industries ang Bulacan, Pampanga, Tarlac, at Nueva Ecija. Nabisto na 98 tindahan ang nagbebenta ng substandard steel.
Ito ang mga walang PS (Philippine Standard) mark, pangalan ng pabrika, at tamang kapal ng bakal na naka-emboss sa dulo ng reinforcement bar. Karamihan dito ay ini-smuggle mula China. Pinag-iinitan ng awtoridad doon ang substandard steel, kaya dito ibinabagsak sa Pilipinas ang kontrabando.
Nauna roon, sinuyod din ng Department of Trade and Industry ang Pangasinan, Cebu, at Negros. Sa una, apat na malalaking bodega ang natagpuang puno ng mga sako ng mahinang semento.
Malamang na expired -- mahigit anim na buwan na -- ang semento kaya mahina. Wala rin itong PS marks, pangalan at address ng pabrika, at petsa ng paggawa na dapat nakaimprenta sa sako. Malamang hakot ito mula sa sobrang produksiyon sa Vietnam at Korea. ‘Yung iba hinahaluan pa ng abo ng local dealers para dumami.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest