Ayaw ni Inday
PABIRONG hinirit ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Speaker Bebot Alvarez na kontra siya sa panukalang batas sa Diborsyo. Tutol daw kasi dito ang anak niyang si Mayor Sara Duterte-Carpio. Si Speaker Bebot ang pangunahing sumusulong sa Divorce Law na kung tutuusin ay suportado ng malaking sektor ng lipunan.
Ano ang magiging epekto nitong pasaring ni Pangulong Digong sa nakabinbin pang panukala sa diborsyo sa Senado? Kung ang hirit kaya ay binitiwan nang hindi pa ito pinagbobotohan sa Kongreso, maiiba kaya ang resulta? Ang mga katanungang ito ay hinog sa mga sagot dahil sa kung sino ang nagtataas ng bandera ng kasal laban sa diborsyo. Maaring mas marami ang pabor sa panukala. Pero ang Simbahang Katoliko ay hayagang tutol sa Diborsyo.
Kaya nakagugulat din na nakalusot agad ang panukala sa mababang kapulungan. Sa halos lahat ng congressional district sa bansa, maliban sa mga Bangsamoro sa Mindanao, ang Simbahang Katoliko ang siyang pinakamalaking grupo ng botante. Hindi naman napagmamasdang nagkakaisa sa pagboto ang mga miyembro subalit may mga usapin na medyo sensitibo sa karamihan. Basta moralidad ang nakataya, maaasahang kikilos ang organisasyon ng simbahan. At nangyari na rin na binantaan nila ang mga hindi kakampi na kokontrahin sa susunod na halalan.
Nasaksihan natin ito sa mga debate sa RH Law at sa Kongresong ito, sa usapang death penalty at divorce. Alam ng lahat na mabibilang ang Kongresista na hindi susunod sa pakiusap ng Simbahan. Iilan lamang ito sa libu-libong boto na haharapin sa kanilang termino. Pero ano ka – lusot agad sa kanila ang death penalty at ganundin ang diborsyo.
Kung alam lang sana nila noon na kontra pala ang Pangulo, titiklop kaya sila ng ganun na lang? Sa Senado, hindi inaasahang tatalakayin man lang ang panukala. Medyo malakas ang kapit ng Simbahan sa mga senador, lalo na kay Majority Leader Tito Sotto. Ang paalala ng Pangulo ay lalong magbabaon sa sana’y magandang kapalaran ng panukala.
Happy birthday kay President Mayor Joseph E. Estrada!
- Latest