Nakakapanghinayang din
HABANG papalapit na ang pagsara ng Boracay, naglatag na ng mga patakaran ang gobyerno hinggil sa pagsara ng isla. Walang papayagang turista o bisita sa isla. Ang makakalabas-pasok lang ay mga residente, trabahador at tauhan ng gobyerno na kailangang magpakita ng ID mula sa gobyerno. Napuna na rin ng mga residente na dumarami na ang mga armadong pulis sa isla. Para raw ito sa seguridad ng isla, partikular mga kilos-protesta na maaaring maganap, kung maudyok daw ng mga “kaliwa”.
Mistulang nagiging preso na rin ang Boracay, kung ganyan kahigpit ang planong gawin ng gobyerno. Pati mga mamamahayag ay may oras lang na puwedeng magtungo sa isla, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Kaya kung may maganap sa Boracay sa gabi, hindi na ba malalaman ng mga mamamahayag?
Hindi na rin ba itutuloy ng Galaxy Entertainment ang planong casino-resort sa Boracay? Totoo bang hahanap na lang daw ng ibang lugar na pagtatayuan ng kanilang casino-resort? O nangangarap na matutuloy pa? Hindi pa nga malinaw kung bubuksan pa ang Boracay sa mga turista, o ipamimigay na lang sa mga magsasaka. Nagsimula na nga ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng paghimay kung sino ang mga puwedeng bigyan ng lupain sa Boracay, kung matuloy ang ipinahayag ni Duterte kapag lumipas na ang anim na buwang pagsara ng isla. Baka ito ang pinaghahandaan ng mga pulis, kung sakaling umalma ang mga residente ng Boracay. Baka sabihan na lang na wala na silang mga trabaho matapos ang anim na buwan, dahil agrikultura na ang plano sa isla.
Ito ang mga paghahandang ginagawa ng gobyerno para sa isla. Pero ano naman ang paghahanda para sa mga naninirahan at naghahanapbuhay sa Boracay kapag tuluyang nagsara na ang isla? Handa na ba ang gobyerno sa kanilang pahayag na tutulungan nila ang mga residente at empleyado ng Boracay? Nakahanda na ba ang calamity fund na pagkukuhanan daw ng tulong-pinansyal sa libu-libong mangangailangan ng tulong? Higit isang linggo na lang, isasara na sa buong mundo ang kilalang isla. Parang nakakapanghinayang din.
- Latest