Ang tanging bulaklak
Dapithapon nang ako’y dumalaw
sa iyong libingan sa malayong bayan;
Dahil sa trabaho saglit nalimutan
at ngayo’y narito ang mata’y luhaan!
Sa tabi ng iyong hamak na lapida
may tanging bulaklak na doo’y nakita;
Ito’y putimputi na sobra ang ganda
kagandahan nito’y lubhang naiiba!
Nang aking lapitan sa tama ng ilaw
ang ilaw na tangi tumingkad ang kulay;
Lalo pang gumanda bulaklak ni mahal
kaya napaluhod kasabay ng dasal!
Kaya ang bulaklak ng aking lapitan
ay agad pinutol at agad hinagkan;
Sa okasyong iyon naghari ang kabanguhan
bangong sa wari ko’y walang katapusan!
Habang naglalakad ako’y lumuluha
may tagpong malungkot aking nagunita --
Matindi mang sakit hindi alintana
at tayo’y nagyakap -- kapwa lumuluha!
Halos walang tinig ikaw ay bumulong
mahinang-mahinang sa aki’y daluyong;
Mamahalin kita sa habang panahon
mga anak natin ang makakatulong!
- Latest