‘Senado naghahanda na kay CJ Sereno’
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
NAGHAHANDA NA ANG SENADO sa gagawing pagdinig sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang naghain ng reklamo ay si Atty. Lorenzo Gadon. Kasalukuyan pang dinidinig sa House Committee on Justice at idineklara nang may sufficient grounds to proceed.
Ang inaalam lamang nila ngayon ay kung may ‘probable cause’ ba ang reklamo para maiakyat na sa Senado.
Nakasaad sa reklamo ni Gadon na si CJ Sereno ay bumili ng isang brand new at high-end 2017 Toyota Land Cruiser na nagkakahalaga ng Php5.1 milyong piso at may ulat na nagkaroon ng bullet proofing job na umaabot naman sa apat na limang milyong piso.
Hindi din daw idineklara ni CJ Sereno sa kanyang SALN ang ‘exorbitant lawyer’s fees’ na nagkakahalaga ng $745,000 o may katumbas na Php37 milyong piso.
May mga ‘unauthorized expenses’ din daw si CJ Sereno sa ilalim ng Supreme Court at ilang tax misdeclaration.
Ayon naman sa kampo ni CJ Sereno wala daw basehan ang mga paratang ni Gadon sa kanya, galing lamang sa mga nailathala sa dyaryo ang mga ito at sabi-sabi lamang. Hindi umano siya lumabag sa Konstitusyon at wala siyang kinalaman sa korapsyon.
Sa mga usap-usapan ng pagpapatalsik kay CJ Sereno si Gadon ang nakapaghain ng reklamo. Marami ang nagtatanong kung sino nga ba talaga si Lorenzo Gadon?
Si Gadon ay isang abogado. Nakapasok siya sa bar noong taong 1993.
Naging bahagi din siya ng ‘legal team’ ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo. Siya ang humarap sa ilang press conference bilang kinatawan ng dating Presidente.
Nagsilbi bilang ‘management and legal consultant’ sa iba’t-ibang kompanya na may kaugnayan sa realty development, food manufacturing, information technology at marami pang iba.
Tumakbo din siya bilang Senador noong taong 2016 ngunit natalo at nasa ika-26 na pwesto lamang.
Umingay din ang kanyang pangalan ng magbitiw siya ng salita tungkol sa mga Muslim na hindi ikinatuwa ng karamihan na magmamakaawa siya sa MILF na huwag manggulo at kapag sa maraming beses niyang paggawa nito ay tumanggi pa rin ang mga ito ay dadalhin niya ang buong Sandatahang Pilipinas.
Lulusubin at papatayin niya umano ang lahat ng mga ito at susunugin niya ang mga bahay at buburahin niya ang lahi nila.
May naghain ng disbarment case laban sa kanya para sa ‘improper misconduct’ dahil sa pahayag niyang ito.
Ang reklamo ni Gadon ang unang naging opisyal na nakahaing reklamo laban kay CJ Sereno.
Nagpahayag naman ang Senado na kung sakaling makarating sa kanila ang impeachment complaint laban kay Sereno ay naghahanda na sila ng kanilang mga impeachment rules.
Nagpahayag din ng kagustuhan si Gadon na paupuin bilang special Prosecutor si Pangulong Rodrigo Duterte sa impeachment case ni CJ Sereno.
May mga pumabor sa kagustuhang ito ni Gadon ngunit marami din ang umalma at nagsabing labag ito sa Konstitusyon.
Nilalabag daw nito ang papel ng House of Representatives na maging Prosecutor ng nasabing kaso.
Sinabi ni Gadon na ang pagbabasehan naman dito ay ang mga nakalap na ebidensya para matimbang kung may probable cause nga ba ang kanyang reklamo laban kay CJ Sereno.
Ang bawat sangay ng gobyerno ay may kanya-kanyang papel at hindi daw kabilang sa trabaho ng Presidente na maging special Prosecutor sa kasong ito kahit pa sabihin mong naging Prosecutor siya bago pa maupo bilang Alkalde ng Davao.
Mas maganda na ding hindi kabilang si Presidente Duterte sa magtitimbang ng impeachment complaint dahil baka lumabas na bias ang magiging resulta nito.
Nitong mga nakaraang araw ay hinamon ni Presidente Duterte si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na magbitiw sa kanilang mga posisyon.
Hindi maganda na masasama si Presidente Duterte dito dahil lalabas na mamanipulahin niya ang desisyon dito dahil alam naman natin na ilang beses nang nagkairingan ang dalawang panig.
May kanya-kanyang isyung kinakaharap ang tatlo. Si Presidente Duterte ay inaakusahan na may mga tagong yaman at ganun din naman ang ilan sa mga opisyal ng ating gobyerno.
Sa dami ng kailangang asikasuhin ni Presidente mas mabuting ipaubaya na lamang niya sa sangay ng gobyerno at sa mga taong nakakasakop sa ganitong usapin.
Kung may basehan at makikitang posibleng totoo ang mga paratang kay CJ Sereno ay nariyan naman ang Senado para himayin ang mga detalye upang lumabas ang katotohanan.
Itutuloy sa susunod na buwan ang pagdinig tungkol sa impeachment ni CJ Sereno.
Ayon naman kay Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel kung sakaling makakarating ng Senado ang impeachment complaint ay dadami ang kasong kailangan nilang dinigin ngunit gagawin nila ang kanilang trabaho.
Kung kailangan daw pumasok sila ng Biyernes ay ayos lang sa kanila kung ito ang kinakailangan.
Ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na daw nila ang impeachment case na ito laban kay CJ Sereno.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest