^

PSN Opinyon

‘Trump at Duterte maghaharap’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

BIBISITA SA BANSA si US President Donald Trump sa susunod na buwan para dumalo sa Association of South East Asian Nations (ASEAN).

Mula nang maupo si Trump sa posisyon ay nag-iba na ang trato ni Presidente Rodrigo Duterte sa Amerika hindi gaya nung nasa posisyon pa si Barack Obama na nagkaroon pa sila ng palitan ng maaanghang na salita.

Unang pagbisita ito ni Trump bilang isang Presidente sa Asya. Kabilang sa kanyang pupuntahan ay ang South Korea, Japan, China at Vietnam sa darating na Nobyembre 3 hanggang 14, 2017.

Maghahanda ang administrasyong Duterte sa pagdating ni Trump sa bansa. Isang mainit na pagtanggap ang nakaplanong ibigay sa Presidente ng pinakamalakas na bansa sa buong mundo.

Isa sa ipinagmamalaki ng ating kultura ay ang paraan ng ating pagtanggap sa ating mga bisita.

Matagal na nating kaalyado at kaibigan ang Amerika kaya nakasisiguro akong ipapamalas ng administrasyong Duterte ang lahat ng kabutihan at kagandahan ng ating bansa upang magkaroon sila ng magandang alaala at karanasan sa Pilipinas.

Sa dami ng mga teroristang nanggugulo sa bansa at sa dami ng hindi magandang balita at patayang nagaganap sa Pilipinas maraming bansa sa buong mundo ang natatakot na bumisita sa atin dahil nangangamba sila sa kanilang seguridad.

Sa pagbisita ni US President Trump ay paraan na rin natin ito upang ipaalam sa buong mundo na ang Pilipinas ay hindi lamang tulad ng napapanood at nakikita nila sa balita.

Ayon mismo kay Presidente Duterte malaki ang itinulong ng Amerika nung World War II at maging nitong nakasagupaan ng militar ang Maute Group.

Nagpadala ng mga sandata ang Amerika upang makatulong na madepensahan ng ating mga sundalo ang panggugulo ng mga terorista.

Nalamatan lamang ang pagkakaibigan ng dalawang bansa nung maupo si Presidente Duterte  at nang magbigay ng kanyang opinyon si Obama tungkol sa kampanya ng Presidente laban sa iligal na droga.

Marami ang nagtaas ng kilay nung sabihin ni Presidente Duterte noon na kakalas na siya sa Amerika at magiging kapanalig niya na ang China at Russia.

Nang mapalitan na si Obama sa posisyon ay nag-iba na ang ihip ng hangin at suportado ng Presidente si Trump.

Nung simula ay nagdadalawang isip pa ang Presidente ng Amerika na dumalo sa ASEAN at mismong si Presidente Duterte ang nagpaabot ng kanyang imbitasyon kay Trump pero hindi pa ito desidido at tanging sa South Korea, Japan at Vietnam pa lang ang sigurado nitong pupuntahan.

Sinabi ni Republican Senator Cory Gardner na napakahalaga na makadalo sa summit si Trump. Nakaharap na ng personal ni Gardner si Presidente Duterte at isa siya sa kumukumbinse kay Trump na dumalo.

Dagdag pa niya sa lahat ng panahon ay ngayong kailangan ipakita ng Amerika ang pagiging pinuno niya at hindi lamang sa salita kundi kinakailangang sa gawa.

Isa sa maaaring talakayin sa nasabing pagpupulong ay ang tungkol sa sunud-sunod na nuclear test ng North Korea na nagiging banta na sa bansa sa Asya.

Ang iringan din ng Amerika at North Korea ay hindi pa humuhupa at nangako ang Amerika na handa ang kanilang sandatahang lakas sa anumang pag-atakeng maaaring maganap.

Hindi nagpapatinag si Trump sa mga banta ng North Korea at ngayon pa lang ay inihahanda na niya ang kanyang sundalo para depensahan ang kanilang bansa ganun na din ang ilang bansang kaalyado nila kung sakaling totohanin nga ng North Korea ito.

Kung maraming bumabatikos kay Presidente Duterte sa madugong laban niya sa iligal na droga ay ito naman ang pinuri sa kanya ni Trump. Minsan nang sinabi ni Trump na mahigpit niya ding kaaway ang droga at nais niya ding mabura ito sa lipunan.

Nalalamatan din ang relasyon ng Pilipinas at ng Amerika dahil sa pagkondena ng US Congress Human Rights Commission sa nangyayaring patayan sa bansa at gusto nitong magkaroon ng imbestigasyon kung talaga bang hindi nabalewala ang karapatang pantao ng mga napatay.

Hindi lahat ng tao ay kaya nating pasundin sa ating gusto. May mga grupo, ahensya o tao na makakahanap ng mali sa lahat ng ating ginagawa. Alam itong mabuti ni Presidente Duterte at kahit noong Alkalde pa lang siya ng Davao ay marami na ding bumabatikos sa kanya.

Inaabangan ng lahat ang paghaharap ng dalawang lider. Sana lamang ay magkaroon sila ng pag-uusap kung anong bagay ang mas makakabuti para sa dalawang bansa.

May mga pagkakatulad ang dalawang Presidente at alam natin na hindi ganun kahaba ang kanilang pasensya. Agresibo at pareho ng paraan ng pananalita na sa ilang mga panayam sa kanila ay napapamura.

Kaya din siguro simula pa lang ay mukhang sinusuportahan nila ang isa’t-isa sa paraan ng papuri at pagbati dahil alam nila ang ugali ng isa’t-isa.

Terorismo at droga ang ilan sa pinakabanta sa katahimikan ng bansang pinangungunahan nila. Hindi mo alam kung kailan sila aatake kaya kinakailangang mas maging handa ka sa lahat ng oras.

Nasisiguro ko na bago umalis ng bansa si Trump ay magkakaroon ng magandang resulta ang pagpunta niya sa Pilipinas. Sa ilang biyahe ng Presidente sa iba’t-ibang bansa ay may naiuuwi siyang balita na kapaki-pakinabang sa bansa at mamamayan.

Isang mainit na pagtanggap ang kanyang ipamamalas kay Trump at ngayon pa lang ay marami na ang nag-aabang na mag-landing sa Pinas ang Presidente ng Amerika.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with