^

PSN Opinyon

‘Solano: Hindi magbubunyag ng miyembro’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

TINAWAGAN LAMANG siya at inutusan na dalhin sa emergency room si Horacio ‘Atio’ Castillo III. Ito ang naging pahayag ng pa­ngunahing suspek sa kanyang pagkamatay na si John Paul Solano.

Pinaniniwalaan na namatay si Atio dahil sa ginawang welcoming rights ng Aegis Juris Fraternity base na din sa pasa sa kanyang katawan, sunog ng mga sigarilyo at patak ng kandila sa katawan. Bloated din ang katawan ni Atio kaya kumbinsido ang mga magulang niya na namatay dahil sa hazing ang kanilang anak.

Makalipas ang ilang araw na pinaghahanap ang mga suspek ay napagpasyahan nang sumuko ni Solano sa mga pulis sa pamamagitan ni Sen. Panfilo Lacson.

Siniguro ni Sen. Lacson na makakarating si Solano sa Manila Police District (MPD) sa pangambang baka maharang ito.

Una nang lumabas ang balita na may posibilidad na gawing state witness si Solano dahil paniguradong marami itong alam at mapapangalanan niya ang mga sangkot sa pagkamatay ni Atio.

Kung iisipin mong mabuti kahit pa maraming alam si Solano ang tanong dito handa ba siyang magsalita at isiwalat ang lahat ng kanyang alam nang walang itinatago?

Bago magsalita ang isang tao lalo na sa ganitong kaso na buong bansa at halos buong mundo ang nakatutok ay iisipin mo at titimba­ngin ang lahat ng anggulo.

May posibilidad na baliktarin siya o maging banta ito sa kanyang kaligtasan at ganun na rin sa kanilang pamilya.

Para sa pamilya ni Atio katotohanan lamang ang makakapagpatahimik sa kanilang kalooban at para na din mabigyan ng hustisya ang pagkamatay niya.

Mahirap tanggapin ang agarang pagkamatay ng isang mahal sa buhay at ang sugat ay habambuhay na nandyan pero makababawas kapag nakita mong pinagbayaran ng mga salarin ang krimeng nagawa.

Nangako naman si Dean Nilo Divina na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon upang maresolba ito.

Bawat detalye ng pangyayari nung gabi ay gustong malaman ng magulang ni Atio para masabi nila na hanggang kamatayan ay hindi nag-iisa ang kanilang anak.

Sa unang pahayag ni Solano sinabi niyang natagpuan niya lang ang walang buhay na katawan ni Atio sa Tondo, Manila at hindi niya personal na kilala si Atio.

Matapos na mapag-alaman na miyebro pala ng Aegis Juris si Solano ay dun na nagtaka at nailagay siya bilang pangunahing suspek. Nang sumuko si Solano iba na ang kanyang pahayag.

Ayon sa kanya natutulog siya nang tinawagan siya ng isang ka-brod at pinapapunta sa fraternity library sa UST. Hindi siya nagpunta at nung tinawagan siya ulit ay saka na lamang siya nagpunta doon.

Walang dahilan na sinabi sa kanya kung bakit siya pinapapunta at nang makarating siya sa lugar ay may tao na daw na nakahiga at walang malay sa sahig.

Bilang isang registered medical technologist tiningnan ni Solano ang kalagayan ni Atio ngunit wala na siyang marinig na pulso kaya nagsagawa siya ng CPR.

Siya din ang nagpayo sa  grupo na dalhin sa ospital kaagad. Sinabihan daw siya ng mga ka-brod na sumunod si Solano sa Chinese General Hospital.

Gamit ang motorsiklo ay sumunod si Solano. Siya din ang inutusan ng mga ito na magdala kay Atio sa emergency room.

Sa nangyaring imbestigasyon ay inusisa kung bakit sa Chinese General Hospital dinala si Atio sa halip na sa UST Hospital ngunit sinabi nitong inutusan lang siyang sumunod sa mga ito.

Simple lang naman ang sagot sa tanong na ito. Kaya hindi nila dinala sa UST Hospital dahil lahat sila sabit dito dahil malalaman na kaya nasa ganung sitwasyon si Atio ay dahil sa isinagawa nilang welcoming rites.

Sinabi ni Solano na handa niyang sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman sa pagkamatay ni Atio pero bakit hindi niya maibigay ang mga pangalan ng mga sangkot dito?

Sasabihin niya daw ang lahat kapag nakapagpasa na siya ng kanyang salaysay. Sa simula pa lang nagsinungaling na si Solano kaya hindi lahat ay nagtitiwala sa kanyang mga sinasabi.

Sana lang ay magsabi na siya sa pagkakataong ito sa dami ng kasong isinampa laban sa kanya.

Sinampahan ng kasong Murder, Violation of Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law, Perjury, Obstruction of Justice at Robbery ng Manila Police District.

Hindi lang si Solano ang sinampahan ng kaso kundi maging si Ralph Trangia na nakalabas ng bansa pagkatapos ng insidente.

Damay din ang kanyang ina na kasama niya sa Chicago at kinasuhan ng Obstruction of Justice.

Kabilang din sa mga suspek na kinasuhan ay sina Antonio Trangia na ama ni Ralph, Arvin Balag, Mhin Wei Chan, Ranie Rafael Santiago, Oliver John Audrey Onofre, Jason Adolfo Robiños, Danielle Hans, Matthew Rodrigo, Karl Mathew Villanueva, Joshua Joriel Macabali, Axel Munro Hipe, Marc Anthony Ventura, Aeron Salientes, Marcelino Bagtang, Zimon Padro at Jose Miguel Salamat.

Huli na sana sa listahan ang pangalan ni Atio bilang biktima ng hazing. Tama ang isinusulong ngayon ng ilang mambabatas na mahigpit na ipatupad ang Anti-Hazing Law sa buong bansa.

Brotherhood ang pinasok ni Atio ngunit kamatayan niya ang na­ging kabayaran ng kagustuhan niya maging isa sa kanila.

Sayang ang buhay ni Atio at ganun na din ang mga sangkot sa kasong ito dahil malalamatan na ang kanilang pangalan nang dahil sa pagkamatay ni Atio.

Sa isang breaking news nagsalita na din itong si Solano sa isang executive session at pinangalanan niya ang lahat ng nakita niya nung gabing yun ayon kay Senator Miguel Zubiri.

Anim ang pinangalanan niya at sinabing apat ang sumama sa kanya papunta sa ospital pero siya lang ang nagdala kay Atio.

Gusto niyang makausap ang pamilya ni Atio ngunit hindi natin alam kung mapagbibigyan siya subalit matutuwa ang pamilya ni Atio na lumilinaw na ang kaso at isa isa nang mahuhuli ang mga kasama sa hazing.        

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with