‘PNP: Spot Report Bawal Kumuha’
MARAMI NANG IBINABATONG paglabag at kasalanan sa mga pulis ngayon naman ay iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa na hindi maaaring bigyan ng kopya ng spot report ang media.
Umalma kaagad ang maraming grupo sa utos na ito ni Bato dahil ang spot report ay isang pampublikong dokumento at dapat lamang na malaman ito ng mga tao.
Sa spot report nakalagay kung ano ang nangyari at kung sino ang mga opisyal ang nagsagawa ng operasyon. Nakasulat din dito kung ano ang mga ginawa ng mga pulis para mahuli ang isang suspek.
Sa halip sa spot report ang ibigay sa media ay kopya ng blotter report at press release lamang daw ang makukuha nilang kopya at ang dapat isapubliko.
Kung iisipin mo kapag press release lang ang pinagbasehan mo maaaring ang ibigay nila sa inyong impormasyon ay nakakiling sa iisang panig lamang.
Hindi raw bago ang utos na ito ni Gen. Bato. Taong 2014 pa lang daw ay naglabas na ng direktiba na bawal isapubliko ang mga spot reports ayon kay PNP Spokesperson Dionardo Carlos.
Hindi raw maaaring ilabas ang spot report kung parte ito ng kasalukuyang iniimbestigahan.
Nilinaw nila na hindi ito paglabag sa freedom of information.
Kung talagang walang itinatago sa mga tao hindi dapat matakot na mabasa ang kung ano ang nangyari sa isinagawa nilang operasyon.
Sinasabi nila na nakalagay dun kung ano ang pangalan ng mga taong sangkot at mga pulis na rumesponde.
Isa rin sa inaalala nila ay ang mga biktimang menor de edad at biktima ng panggagahasa. Hindi raw nila ito inilalabas kung walang ‘proper court order’.
Kung ganun ang usapan maaari mo namang hilingin sa magre-report na bigyan na lamang ng alyas o itago ang tunay na pangalan ng biktima.
Alam naman natin na maraming pulis na ang pinaparatangan ng mga paglabag sa karapatang tao at sa pagpatay ng maraming mga taong nasasangkot sa iligal na droga.
Sa halip na gumawa sila ng paraan para mapabango at mapaganda ang imahe ng kapulisan lumabas naman ang ganitong isyu na pati spot report ay ipagdadamot mo sa publiko.
Lalong mawawalan ng tiwala ang mga tao sa kanila dahil iisipin nilang may itinatago at may pinagtatakpan.
Dagdag pa ni Carlos pwede pa naman daw makakuha ng kopya ng spot report pero kinakailangan lang dumaan sa tamang proseso at mag-request.
Kahit na mag-request ka nito kung talagang wala silang balak na magbigay maaari nilang hindi aprubahan ang kahilingan mo.
Isa sa umalma sa utos na ito ni Gen. Bato ay ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at sinabing dapat bawiin ang utos niyang ito dahil ito daw iligal ang pagtatago ng spot report sa media.
Pagdidiin nila na ang spot report ay ‘public document’ at dapat maaari itong malaman hindi lamang ng media kundi lahat ng tao.
Hinihiling din ng NUJP na magkaisa ang lahat ng miyembro ng media para kondenahin ang tinawag nilang pagtatago ng katotohanan.
Kung matagal na palang iniutos na huwag maglabas ng spot reports bakit marami pa ring nakakalabas? May mga pulis ba na hindi alam ang kautusang ito o mas naniniwala sila na ang mga ganitong uri ng dokumento ay talagang dapat malaman ng nakararami para lumabas na malinis at tapat sila sa mga tao?
Sa rami nang kinakaharap na batikos ng ating kapulisan inisip na nila na magsuot ng body camera ang mga ito kapag magsasagawa ng operasyon. Ito ay para makasiguro at maidokumento kung ano nga ba ang nangyari sa isinagawa nilang pagtugis sa mga kriminal o sa mga suspek na dapat nilang arestuhin.
Marami ang pumanig dito dahil mababawasan na ang mga tanong ng mga tao kung ano nga ba ang tunay na nangyari pero makalipas lang ang ilang araw mula ng ianunsyo ang pagbabalak nilang pagsuotin ng mga body camera ang mga pulis ay sinabi nilang masyadong mahal ito.
Sa spot report natin makikita ang lahat ng mga naganap at kung ano ang tunay na nangyari maliban sa mga salaysay ng testigo at hindi mo naman ito pwedeng palitan.
Nagbigay din ng kanyang opinyon si Sen. Panfilo Lacson tungkol dito dahil nagsilbi siya bilang dating hepe PNP na kung wala namang security classification na restricted, confidential, secret o top secret wala raw dahilan para itago ito dahil sa freedom of information.
May mga kongresista ring nagbigay ng kanilang opinyon dito. Kapag tinago raw ito ng mga pulis meron silang gustong itago. Kung sakali raw na itago nila ito ay mas hahanapin at hihingiin ito ng mga tao.
Kung ikukumpara mo ang press release at spot report mas paniniwalaan ang nakalagay sa spot report dahil ang dokumentong ito ay siya ring gagamitin kapag nasa korte na ang kaso.
Hindi ito kagaya ng press release na dapat ay nakakiling sa kung sinong tao, kompanya o ahensya ang naglabas dito.
Bakit pati yan kinakailangan pang ipagdamot gayung katotohanan naman ang nakasaad dito.
Ang pagiging bukas nito sa publiko ay paraan na din ito para mabawasan ang pagdududa ng mga tao sa kapulisan. Kailangan maging transparent sila sa mga imbestigasyon at handa silang sumagot sa mga katanungang ibabato sa kanila.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
- Latest