EDITORYAL - Dagdag-dungis pa sa PNP
POSITIBO sa paggamit ng shabu si Supt. Lito Cabamongan. Ito ang resulta sa drug test na isinagawa kay Cabamongan kahapon sa Camp Crame. Naaktuhan si Cabamongan, 50, hepe ng PNP Crime Laboratory Service-Alabang Satellite Office sa Muntilupa, na gumagamit ng shabu sa isang barungbarong sa Talon, Las Piñas noong Huwebes ng madaling araw, kasama ang isang babae na nakilalang si Nedy Sabdao, 44. Isang residente ang nagtip na nagsasagawa ng drug session sa barungbarong. Pero katwiran ni Cabamongan, gumagamit siya ng shabu dahil mayroon siyang sinusurveilance pero hindi ito kinagat ng mga umaresto. Nadiin si Cabamongan nang umamin ang kasamang babae na talagang gumagamit sila ng shabu. Idinawit pa ni Cabamongan ang isang mataas na opisyal ng PNP.
Agad nagtungo si PNP chief Director General Ronald dela Rosa sa kinakukulungan ni Cabamongan at galit na kinumpronta ito. Napa-“putang-ina” si Dela Rosa sa galit kay Cabamongan. Kung mailulusot lang ang kanyang kamao sa rehas ay baka nahablot na at nasapak nito si Cabamongan.
Panibagong dungis na naman ito sa PNP. Hindi pa nakakabawi sa mga nakaraang kontrobersiya kung saan isang Korean businessman ang pinatay sa Camp Crame ng mga miyembro ng anti-drug unit ng PNP, may bago na namang isyu. Noong nakaraang linggo, isa pang police inspector ang nakunan ng CCTV na binubugbog ang nakaalitang motorista sa mismong police station. Makaraang bugbugin, ikinulong pa ang motorista.
Nakakatakot na ang mga nangyayari ngayon na ang mga inaasahang huhuli sa mga drug addict at pusher ay gumagamit din pala ng shabu. Kanino pa hihingi ng tulong ang mamamayan ngayon? Mas nakakatakot pang magtungo sa police station at baka ang masumpungan ay mga pulsi na addict, kidnaper at mamamatay-tao.
Kailangang ireporma ang PNP. Maging maingat na sa pagkuha ng bagong miyembro sapagkat ang mamamayan ang magsa-suffer.
- Latest