Damo sa pilapil (26)
Hinanap ni Zac sa filing cabinet ang duplicate copy ng mga papeles na idiniliber niya kahapon. Pero wala siyang makita. Sa pagkakatanda niya, ibinigay niya iyon sa superbisor. Hindi siya maaaring magkamali.
Habang hinahanap niya ang duplicate copy ay nakabantay ang masungit na superbisor. Pasado alas singko na ng hapon. May pasok siya sa klase.
“Nakita mo ba?” Tanong ng bisor.
“Wala po Sir.’’
“Saan mo inilagay? Kailangan ko yun. Huwag mong ipagpilitan na ibinigay mo sa akin dahil wala kang binibigay, okey?’’
Pinagpawisan nang malamig si Zac. Mahirap maghanap nang wala dahil talagang ibinigay na niya ang duplicate sa bisor.
“Sige babalikan kita. Pagbalik ko dapat nakita mo na,’’ sabi ng bisor at umalis. Ang iba pang empleado ay nag-aalisan na rin. Dapat naglalakbay na siya patungo sa unibersidad kung hindi dahil sa bisor. May exam pa naman siya ngayon. Nakahanda pa naman siya dahil nag-review siya.
Muli niyang hinalungkat ang cabinet kahit na talagang alam niya na ibinigay na ang duplicate copy sa bisor. Wala talaga roon.
Itinigil na niya ang paghahanap at hinintay ang pagbabalik ng bisor. Pagbalik nito ay sasabihin niyang kukuha na lamang siya ng certified copy sa kompanyang pinagdalhan niya kahapon.
Pero inabot siya ng isang oras sa paghihintay sa bisor ay hindi na ito bumalik. Ipinasya niyang silipin ito sa kuwarto nito. Wala. Malinis na ang table.
Ipinasya niyang lumabas na ng opis. Makakahabol pa siya sa isang subject. Pagdaan niya sa guard sa lobby, tinanong niya kung nakaalis na ang bisor.
“Kanina pa!’’
Napahinga nang malalim si Zac. Talagang mainit ang hininga sa kanya ng bisor.
(Itutuloy)
- Latest