Imbestigasyon sa Senado, na naman
SAMPUNG senador ang bumoto para ituloy ang imbestigasyon sa mga pahayag ni SPO3 Arthur Lascañas, kung saan kinumpirma at bahagi siya sa tinatawag na “Davao Death Squad” (DDS), na may basbas at utos umano ni Pres. Rodrigo Duterte noong mayor pa ng Davao City. Labing-isa kung isasali si Sen. Grace Poe, na wala sa botohan pero kinumpirma na sang-ayon siya sa imbistigasyon. Sa Committee on Public Order Dangerous and Drugs na pinangungunahan ni Sen. Ping Lacson ibinibigay ang imbestigasyon, kung matutuloy. Si Lacson ay isa sa limang senador na hindi bumoto sa pagbukas ng imbistigasyon sa mga pahayag ni Lascañas. Pito naman ang kumontra, kasama si Senate President Koko Pimentel.
Hindi pa alam sa ngayon kung magkakaroon nga ng pagdinig, dahil mainit na ang debate sa Senado. Una nang nagpahayag si Sen. Dick Gordon na para sa kanya, tapos na ang Senado sa isyu dahil nagsalita na rin si Lascañas, sa ilalim pa ng panunumpa sa Senado. Paano raw masasabi kung kailan siya nagsabi ng totoo, noong Oktubre o ngayon? Mainit ang debate dahil may grupo ng mga senador na malinaw na kaalyado ng administrasyon, habang may grupo naman na tila oposisyon. Kung bakit hindi bumoto ang lima ay walang paliwanag.
Sigurado mas iinit pa ang debate sa mga pahayag ni Lascañas, kung dapat bigyan ng timbang at imbistigahan o huwag pansinin at “paninira lang sa administrasyon”. Kung si Lascañas ang tatanungin, nakonsensiya na raw siya, bagay na minamaliit naman ng mga kaalyado ni Duterte. Pinag-aaralan na nga kung kakasuhan si Lascañas ng pagsisinungaling habang nakasumpa sa Senado. Pero kung ganun, hindi ba parang tinatanggap na nagsinungaling siya noon, kaya totoo na ang sinasabi ngayon? May nagsasabi naman na ang panunumpa sa korte ay mas mabigat, kumpara sa panunumpa sa Senado, dahil wala pa naman daw kaso. Sigurado maglalabasan ang lahat ng ligal na opinyon sa isyu na ito. Natuwa naman si Edgar Matobato sa pagbaliktad ni Lascañas, na unang idinawit niya sa DDS. Umaasa naman ang Free Legal Assistance Group (FLAG) na may iba pang lalantad na miyembro ng DDS, ngayong dalawa na ang umamin. Kung mangyari man ito, mapapalakas kaya ang testionya nila Matobato at Lascañas, kung maging kaso na nga?
- Latest