‘Kalbaryo ng mga residente sa Bgy. Lanipao, Iligan’
TATLONG buwan na ang nakalilipas mula nang ipalabas namin sa Kilos Pronto ang kalbaryo ng mga estudyante at residente sa G’tum Bgy. Lanipao sa Iligan City.
Kung hindi pa nag-viral sa social media at kung hindi pa nakaabot sa KP Promdi, hindi pa mapapansin ang pobreng sitwasyon ng mga taga-Bgy. Lanipao.
Hindi matiyak kung nagbibingi-bingihan, nagbubulag-bulagan o sadyang natutulog lang sa pansitan ang mga opisyal ng Iligan City.
Kitang-kita sa video ang dalawang bata. Sa kagustuhan nilang makapag-aral napipilitan nalang bumaybay sa manipis na lubid habang nakakapit sa isa pang tali.
Kung mamalasin pa dahil magalaw at mali ang tapak ng tumutulay, maaari silang bumagsak sa ilog na madalas daw mataas ang tubig.
Nakausap ng KP ang mga nasa engineering office ng Iligan City noong araw na ipinalabas namin ang viral video. Pinuntahan na raw nila at tiningnan kung ano ang kanilang magagawa.
Problema, baka hanggang tingin at survey lang. Para lang hindi mapahiya sa pambansang sumbungan, inunahan na nila. Hinila ang kanilang mga paa papunta sa lugar at pinaglaway lang ang mga residente.
Sinadya kong bigyan ng espasyo sa kolum kong ito ang kalbaryo ng mga residente sa G’tum Brgy. Lanipao sa Iligan City.
Baka kasi sa dami ng mga naglalabasang isyung pang-nasyunal doon na lang matuon ang pansin ng publiko at ng gobyerno. Ang mga problema sa mga malalayong lalawigan at probinsiya hindi na mabigyan ng atensyon.
Uploaded sa bitagmedia.com click Kilos Pronto ang kalbaryo ng mga residente sa Iligan City.
- Latest