Pananaw ni Trump
Ipatutupad na ng US ang utos ni Pres. Donald Trump na ipagbawal ang pagpasok ng mga Muslim mula Iran, Iraq, Syria, Yemen, Libya, Somalia at Sudan. Epektibo ng 90 araw ang pagbabawal, habang ipinagbawal na rin ang pagpasok ng lahat ng refugees ng 120 araw, habang pinag-aaralan kung ano ang puwedeng gawin para maprotektahan ang US sa mga terorista. Dahil dito, nagkagulo sa airport at mga bansang natukoy. Ayaw nang magbenta ng mga tiket patungong US. Ang mga may tiket hindi pinayagang sumakay sa mga eroplano. Maraming may US visa ang hindi na pinayagang makapasok, kahit ilang taon nang nakatira sa US.
Ito ang isa sa mga ipinangako ni Trump noong kampanya niya. Natural, maraming Muslim ang nagagalit sa patakarang ito. Labag daw sa karapatan nila. Bigla nga naman bumaliktad ang mundo nang marami na gustong manirahan na sa US. Ang kilos ni Trump ay bunga ng mga terorista na naghasik ng lagim sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Alam naman natin iyan. Kaya sa pananaw ni Trump, minabuting ipagbawal muna ang pagpasok ng Muslim mula sa mga bansang ito.
Pero sigurado ba na ang pitong bansang ito lang ang ipagbabawal? Marami pang mga bansa na may malaking populasyon ng Muslim, kasama na ang Pilipinas. May mga terorista rin tayo, ang Abu Sayyaf at iba pang mga grupo. Hindi kaya malagay rin ang Pilipinas sa listahan na iyan? Ikinagagalit nang marami na nilalahat ni Trump na ang mga Muslim ay sangkot sa terorismo, kahit hindi naman totoo. Pero ganito na nga ang bunga ng mga kilos ng mga grupo tulad ng ISIS, Al Qaeda at ano pang mga grupo diyan na nangakong pababagsakin ang US, ang tinatawag nilang “Great Satan”. Nangakong babawi sa US ang mga bansang nakalagay sa listahan, partikular ang Iran. Nagsisimula na ang pamana ni Trump sa mundo.
Walang ipinagkaiba sa PNP. Dahil sa kilos ng ilang kriminal na pulis, ang buong PNP ang hindi na pinagkakatiwalaan. Siguro ang paniniwala ni Trump ay wala namang mawawala sa US kung hindi nila papapasukin ang mga Muslim, pero kung may makapasok naman na kahit isa na may masamang intensiyon, marami ang malalagay sa peligro. Ganun na rin ang pag-iisip ng mga mamamayan sa mga pulis. Isang pulis lang na nahuling may ginawang masamang krimen ay sapat na para mawala ang tiwala sa buong organisasyon. Ganun talaga.
- Latest