EDITORYAL - Ginagamit ang ‘tokhang’ para magkamal ng pera
MARAMING “sira-ulong” pulis at hindi sila natatakot sa malaking katawan at kamao ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa. Ang masakit pa, ang kampanyang “Oplan Tokhang’’ na nilunsad ni Dela Rosa ang ginagamit ngayon ng mga “sira-ulong” pulis para magkapera. Nakaisip ng ideya ang mga “sira-ulo” na kunwari ay aarestuhin nila ang isang tao dahil sangkot ito sa illegal drugs pero ang totoo, kikidnapin nila at ipatutubos. Sinasamantala ng mga “sira-ulo” ang kasikatan ng “tokhang” para magkamal ng pera sa pangingidnap.
Ganito ang ginawa ng mga pulis nang salakayin nila ang bahay ng Korean businessman na si Jee Ick-joo sa Angeles, Pampanga noong Oktubre 16, 2017. Puwersahan nilang isinakay sa isang SUV kasama ang maid nito at saka dinala sa Camp Crame. Pinakawalan ang maid pero pinatay si Jee sa mismong compound ng Crame. Pagkaraang patayin, dinala sa isang punerarya sa Caloocan na pag-aari ng isang dating pulis at saka inembalsamo. Pagkatapos ay dinala sa isang crematorium sa Caloocan din at saka sinunog. Ang abo ay itinapon umano sa inidoro sa utos ng mataas na opisyal ng PNP.
Isa sa mga suspect ang kinasuhan noong Biyernes. Inamin na ni SPO3 Ricky Sta. Isabel ang partisipasyon sa krimen. Tatlo pang pulis ang isi-nangkot sa kidnapping. Sila ay sina Supt. Raphael Dumlao, Senior Police Officer 4 Roy Villegas at Police Officer 2 Christopher Baldovino.
Sa salaysay ni Villegas, si Sta. Isabel ang sumakal kay Jee at ito rin ang nagdala sa punerarya. Nagbayad si Sta. Isabel ng P30,000 sa punerarya kasama ang golf set ng Koreano.
Bagsak na bagsak ang imahe ng PNP dahil sa ginawa ng mga “sira-ulong” pulis. Mas makabubuti kung itigil na ni Dela Rosa ang “Oplan Tokhang” dahil nawalan na ito ng kredibilidad. Kung hindi niya kayang itigil, sundin na lang ang panawagan ng netizens na magbitiw sa puwesto. Wala nang paraan kundi ito.
- Latest