Laway lang ang puhunan sa Bumbay
SIGURO mas mabuti pang sa Bumbay na lang mangutang, kahit mas mataas ang interes o “5-6”, mas madali namang kumuha ng pera sa kanila --- walang kuskos-balungos. Basta’t nakikita nilang may pinagkakakitaan ang isang mangungutang kahit na munting negosyo lamang tulad ng karinderya, sari-sari store o ‘yung vendors sa palengke, wala nang “collateral” na hinihingi. Laway lang ang puhunan at makakapangutang na.
Naglaan ang gobyerno ng P1 bilyon para sa programang P3P para sa mga kababayan nating mahihirap, para hindi na sila mangutang sa mga Bumbay. Dito sa programang ito ng gobyerno may mga papeles na kailangang ipresenta bago makakuha ng pera. Karamihan sa ating mga kababayan ay kulang sa hinihingi nilang mga papeles tulad ng sa banko. Tayong mga Pilipino ay gusto sa mas mabilis na proseso, kaya karamihan sa kanila ay pumapatol sa mataas na interest. May kasabihan nga “ang taong gipit sa Bumbay kumakapit”.
Para sa akin maganda ang naisip ng gobyernong ito para makatulong sa ating mga kababayang mahihirap. Ako’y humahanga kay President Digong at dito makikita na siya ay tunay na “pro-poor”. Nang bumisita sa ating bansa si Japanese Prime Minister Shinzo Abe at kanyang asawa na si Akie, naimbitahan siya ni President Digong sa kanyang tahanan sa Davao City. Humanga si Abe sa simpleng pamumuhay ni Digong.
Ito ang ibig kong sabihin na “leadership by example”.
- Latest