EDITORYAL - Hustisya sa tinamaan ng ‘ligaw na bala’
WALANG ipinagkaiba ang nangyari kay Emilyn Villanueva, 15, ng Malabon at Stephanie Nicole Ella, 7, ng Tala, Caloocan City. Pareho silang namatay sa “ligaw na bala”. Si Emilyn ay namatay noong Miyerkules, apat na araw makaraan siyang tamaan ng bala habang nanonood ng fireworks display sa kanilang lugar. Si Nicole ay tinamaan ng bala noong 2012 habang nanonood din ng fireworks display. Parehong-pareho sila ng kapalaran. Hanggang ngayon, hindi pa nahuhuli ang nagpaputok ng baril na pumatay sa dalawang bata.
Walang kasingsakit ang nadama ng mga magulang ni Emilyn na ayon sa mga ito ay pangarap maging chef. Ang pangarap na iyon ay biglang pinutol ng bala na pinakawalan ng isang may sa demonyong pag-iisip. Sa kabila na mahigpit na babala at pakiusap, nagpaputok pa rin ang “demonyo”. Ayon sa mga nakasaksi, biglang bumagsak si Emilyn at nang isugod sa ospital, natuklasang may tama ng bala sa ulo. Ilang araw na comatose si Emilyn bago tuluyang namaalam noong Miyerkules.
Hanggang ngayon, wala pang naaarestong suspect ang Malabon police. Ipinaggigiitan nila na biktima ng away si Emilyn. Dalawang lalaki umano ang nag-away at namaril ang isa na siyang tumama kay Emilyn. Pero sabi ng mga tao sa lugar, walang nangyaring away o barilan sa lugar. Wala raw katotohanan ang sinasabi ng mga pulis.
Sabi naman ni Health Sec. Paulyn Ubial na biktima ng indiscriminate firing si Emilyn. Nagmula sa itaas ang bala at bumagsak sa ulo ng dalagita na naging dahilan ng kamatayan nito.
Naghihintay ang taumbayan kung pananagutin ang Malabon police chief dahil sa indiscriminate firing sa lugar. Sabi ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa, mananagot ang hepe ng pulisya kapag nagkaroon ng ganitong insidente. Mangyari kaya ito?
Ipagkaloob ang hustisya kay Emilyn at sa iba pang biktima ng “indiscriminate firing”.
- Latest