Nakalulungkot
PUMANAW na si Emilyn Villanueva, ang 15-anyos na tinamaan ng bala sa ulo habang nanonood ng paputok sa Malabon noong magbabagong taon. Malubha masyado ang kundisyon, at hindi na kinayanan ng kanyang katawan. Kawawa naman ang kanyang mga kapamilya. Isa na namang biktima, isa na namang istatistiko ng mga napapatay sa panahon dapat ng kasiyahan, selebrasyon at pagbabago.
Hindi pa rin magkasundo ang DOH at PNP sa dahilan ng pagtama sa ulo ni Emilyn. Naninindigan pa rin ang DOH na ligaw na bala ang dahilan, dahil sa direksyon kung paano tumama ang bala sa ulo ng bata. Ayon naman sa PNP, biktima si Emilyn ng pamamaril, bagama’t hindi siya ang target ng salarin. Nakatungo raw si Emilyn nang tamaan ng bala, at mataas ang posisyon ng namaril kaya sa taas ng ulo tinamaan. Ito ang kanilang paliwanag. Magsisigawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang NBI, para makatulong sa paglutas sa kaso. Dahil may dalawang ahensiya na magkatunggali ang pananaw sa pangyayari, mabuti na ang may pangatlong nag-iimbestiga.
Sa ngayon ay hinahanap pa ang suspek. Mas maganda kung mahuhuli nila ang kanilang suspek at maipakikita sa publiko. Kumpirmahin na rin ang kanilang pahayag na may ibang target and suspek. Kung alam din ng PNP ang target ng salarin, bakit hindi na kausapin at magbigay ng opisyal na pahayag kung bakit siya ang target nang pamamaril. May kinalaman ba ang kriminal na aktibidad? Iligal na droga?
Nakalulungkot na sa kabila ng masayang pagsalubong sa bagong taon, palagi na lang may ganitong pangyayari. Tila taun-taon ay may namamatay dahil sa pamamaril, maging ligaw o hindi. Ang mas malungkot ay tila nasasanay na ang mamamayan makarinig ng mga ganitong pangyayari. Kung araw-araw ba naman may nababalitaang namamatay o napapatay, parang karaniwan na lang talaga, kahit bata pa.
- Latest